UMARANGKADA nitong Lunes, Oktubre 20, ang unang araw ng voters registration para sa 2026 Barangay at Sangguniang Kabataang Elections.
Alas-8 pa lamang ng umaga ay maagang pumila ang mga magpaparehistrong bagong botante sa Luneta Park na isa sa registration sites ng Commission on Elections (Comelec).
Mahaba ang pila na nangangahulugang marami ang nagnanais na makalahok sa darating na halalang pang-barangay sa susunod na taon.
Inaasahan naman ng Comelec na aabot sa 1.4 milyon ang mga bagong registrants para sa BSKE elections.
Sinabi ni Comelec Chairman George Erwin Garcia, hindi lamang sa Luneta umarangkada ang voters registration kundi mayroon din sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX), at Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM).
Bukod dito, target ding dalhin ng Comelec ang voters registration sa mga malalayong lugar bilang bahagi ng Special Register Anywhere Program.
Magkakaroon din ng Register Anytime Program at ilalagay ang registration booths sa mga paliparan, ospital, at call center areas para sa mga nagtatrabaho sa gabi.
Para sa mga magpaparehistro, magdala lamang ng government-issued ID, dahil hindi tatanggapin ang cedula, company ID, barangay ID, o barangay certificate.
Tatanggapin din ang lahat ng uri ng aplikasyon, kabilang ang transfer of registration.
Tatagal ang voters registration para sa BSKE hanggang Mayo 18, 2025, mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon, Lunes hanggang Sabado, kabilang ang mga holiday.
(JOCELYN DOMENDEN)
