KALABOSO ang dalawang suspek na sangkot sa SMS phishing scam matapos ang magkahiwalay na operasyon ng Cyber Financial Crime Unit at Cyber Security Unit ng PNP Anti-Cybercrime Group (ACG).
Ayon kay PNP-ACG Chief PBGen Bernard Yang, inaresto ang mga suspek sa magkahiwalay na lugar sa Mandaluyong City at Makati City sa bisa ng Warrant to Search, Seize, and Examine Computer Data (WSSECD).
Batay sa ulat, nakatanggap ng impormasyon ang ACG hinggil sa paggamit ng mga suspek ng International Mobile Subscriber Identity (IMSI) Catcher, isang device na ginagamit para magpadala ng mga pekeng link o phishing messages sa mga biktima.
Napag-alamang umiikot ang mga suspek sa mga matataong lugar, kabilang na ang mga mall, upang ipakalat ang mga mapanlinlang na mensahe.
Nakumpiska mula sa kanilang pag-iingat ang apat na IMSI catchers, kung saan dalawa ay na-turn over na sa National Telecommunications Commission (NTC) para sa karagdagang imbestigasyon.
Sa ngayon, nahaharap ang mga suspek sa patong-patong na kaso kabilang ang paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012, SIM Registration Act, at Data Privacy Act of 2012, bukod pa sa iba pang kaukulang batas.
“Patuloy ang aming operasyon laban sa mga ganitong uri ng cybercriminals na nanlilinlang sa publiko gamit ang teknolohiya,” ayon kay PBGen Yang.
(TOTO NABAJA)
