(NI JEDI PIA REYES)
IKINAKASA na ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang pagsasampa ng mga kasong administratibo laban sa mga politikong nakahanay sa narcolist at nanalo sa nakalipas na midterm elections.
Diin ni Interior Secretary Eduardo Año, walang karapatan ang mga nasabing pulitiko na paikutin at takasan ang batas kahit pa nanalo sila sa halalan.
“Kahit na pinalad silang manalo, tuloy pa rin ang administrative cases laban sa kanila. Hindi pa rin sila makalulusot kung sila ay mapatutunayang sangkot sa iligal na droga,” ayon kay Año.
Itinuturing naman ng kalihim na tagumpay ng gobyerno at ng bansa ang pagkatalo ng ilang tinaguriang narco politicians.
“The purpose of President Duterte in releasing the names was to inform the public of the local officials who are linked to the drug trade. The fact that some of them lost is already a substantial victory for us because if we didn’t release the names, more, if not all, could have won the election,” dagdag nito.
Nauna nang inihayag ng Philippine National Police (PNP) na mayroong 37 mula sa 46 narco politician na kumandidato noong Mayo 13. Dalawampu’t pito sa kanila ang nanalo.
Kabilang sa mga nanalong politiko na nasa narco list ay ang dalawang kongresista, isang bise gobernador, 18 alkalde, tatlong bise alkalde, isang konsehal, isang board member mula sa CALABARZON, BARMM, Eastern Visayas, Ilocos Region, Northern Mindanao, Western Visayas, Central Luzon, Zamboanga Peninsula, SOCCKSARGEN, at Caraga.
