NASAAN SI MAGO?

SA pag-amin ng isa sa mga punong ­personalidad ng kontrobersyal na kumpanyang ginawaran ng ­pinakamalaking procurement deals ng Department of Budget and Management (DBM), walang dudang may bulilyaso ang mga taong pinagkatiwalaan ng Pangulo.

Ani Krizle Grace Mago sa pagdinig ng Senado, inutusan lang siyang aregluhin ang mga dispalinghadong supplies na binebenta nila sa gobyerno sa presyong malayo sa umi­iral na halaga sa merkado noong mga panahong nakasaad sa dokumento.

Pag-amin pa ni Mago, lahat ng kanilang ibinenta sa gobyerno ay pawang substandard sa hangad ng kumpanya na makadale ng isang bigla. Ang siste, tatlong ulit na ginawa ito ng Pharmally Pharmaceutical Company sa ­gobyerno.

Pati nga siya, kinasangkapan lang umano – mula sa pagtatatag ng kumpanyang binubuo ng mga wanted sa batas, hanggang sa mga pakikipagsabwatan sa mga taong gobyerno.

Gayunpaman, ‘di naman ito mangyayari kung walang kasabwat na taong gobyerno, sila yaong mga itinalaga ng Pangulo.

Mula nang umupo sa pwesto ang Pangulo, pangako niyang tapusin ang katiwalian sa ­gobyerno. Subalit sa mga taong inilagay niya sa Palasyo, ilang ulit na bang sumambulat ang nakawang talo pa ang tumama sa lotto?

Lost count na kami, mahal naming Pangulo.

Pagmamalaki pa ng Pangulo, marami na siyang sinibak sa pwesto. Oops, teka lang kasi parang ‘di naman gaanong totoo. Katunayan, mismong si Justice Secretary Menardo ­Guevarra, aminadong ang mga taong tinutukoy nito’y nakabalik na sa kani-kanilang pwesto. May mga pagkakataon ding inililipat lang sa ibang ahensya ng gobyerno ang ilan sa mga sangkot sa indulto.

Sa mga panahon ng pandemya, naging abala ang Pangulo sa pagtatanggol sa mga sablay n’yang designado. Ang masaklap, sukdulang awayin pati mga taong nagpapatotoo sa mga paratang ng katiwalian sa gobyerno.

Hindi pa roon nakuntento, ang mga alagang dawit sa katiwalian ay pinagbawalang sumipot sa mga pagdinig ng Senado hangga’t wala aniya siyang permiso.

Nasaan ang sinasabi ng Pangulong “not even a whiff of corruption?”

Higit pa sa nasirang pangako, nasaan ngayon si Binibining Mago?

142

Related posts

Leave a Comment