BULACAN – Isang linggo makaraan ang unos, sinimulan na ng pamahalaang panlalawigan ang pagsasaayos ng mga pinsalang iniwan ng magkadikit na habagat at bagyong Fabian.
Ayon kay Bulacan Gov. Daniel Fernando, hindi bababa sa P89.8 milyon ang naging pinsala ng habagat at bagyong Fabian sa kanilang agrikultura, bukod pa sa P62.25 milyong halaga ng mga nasira sa imprastraktura. Kailangan din aniyang kalingain ang nasa P0.3 milyong nalugi sa sektor ng paghahayupan.
Ayon sa gobernador, nakapagsumite na ng kani-kanilang plano para sa rehabilitasyon ang mga tanggapang may sakop sa mga napinsalang sektor sa paglalayong matukoy ang mga kinakailangan upang tuluyan nang makabawi ang lalawigan sa dagok dulot ng magkadikit na unos.
Bahagi din ng programa ang bigyan ng karampatang tulong sa mga apektadong Bulakenyo.
“As soon as na-consolidate natin ‘yung mga impormasyon na ‘to, nagsimula na tayong pag-aralan kung anong pwedeng gawin ng Pamahalaang Panlalawigan para makatulong sa mga naapektuhan ng bagyo. Hindi pa nga tayo natatapos sa ASF, sa mga peste sa palay, sa COVID-19, eto po nadagdagan na naman ang pasanin ng mga mamamayan,” ani Fernando.
Dagdag pa ng punong lalawigan, bagamat sunud-sunod ang pagbayo ng iba’t ibang kalamidad sa Bulacan, hindi pa din dapat magpatinag ang mga Bulakenyo.
“Sabay-sabay ang dagok, but our ability to bounce back is also amazingly seen during these times. Huwag po kayong mag-alala, kami po sa pamahalaan ay gumagawa ng mga hakbang para mas mabilis tayong makaahon,” dagdag pa ni Fernando.
Bago pa ito, nakapagpamahagi na ang Pamahalaang Panlalawigan ng food packs sa mahigit 20,000 pamilyang apektado ng bagyong Fabian.
Ayon naman kay Bulacan First District Engineer Henry Alcantara, naisagawa na rin ang mga palliative measures ng kanyang tanggapan sa mga road sections ng mga major national highways (concrete and asphalt) na napinsala ng pagbaha.
Sabi pa ni Alcantara, nakumpleto na rin ng kanilang Maintenance Division sa pamamahala ni Chief Engr. Erning Daos ang mga asphalt patching of potholes para pansamantalang matakpan ang mga nasira sa mga nabanggit na road sections para sa kaligtasan ng mga motorista. (ELOISA SILVERIO)
166 