NASAWING OFWs SA SAUDI, IUWI SA PINAS

PINAKIKILOS ni Senador Francis Pangilinan ang mga ahensya ng pamahalaan para ibalik ang mga labi ng lahat ng nasawing overseas Filipino workers (OFWs) sa Saudi Arabia dahil sa COVID-19.

“Iginigiit natin sa administrasyon na payagan ang pagpapabalik sa bansa ng katawan ng mga OFW na namatay sa COVID-19 sa Kingdom of Saudi Arabia,” sabi ni Pangilinan.

Kasabay nito, pinatitiyak ng senador na magagarantyahan nang mahigpit na mga protocol ang kaligtasan at kalusugan upang matiyak na walang sinuman ang mahahawaan ng sakit sa pagbiyahe ng mga labi.

“Maraming taon nang malayo sa kanilang mga pamilya ang mga yumaong bayani. Karapat-dapat silang makauwi at makapiling ang kanilang mga mahal sa buhay sa huling pagkakataon at mabigyan ng angkop na libing,” giit pa ng senador.

Nagboluntaryo naman aniya ang ilang mga pamilya para tulungan ang gobyerno sa pagbiyahe ng mga labi, kung kaya’t ipinapakita na gagawin ng pamahalaan ang lahat makapiling lang muli ang kanilang kaanak.

“Umaasa tayo na hindi ipagkikibit-balikat itong ating pakiusap at mabibigyan ng lubos na konsiderasyon ng kapwa gobyerno ng Pilipinas at ng Saudi,” pahayag pa ni Pangilinan. (NOEL ABUEL)

128

Related posts

Leave a Comment