INARESTO ang isang lalaki makaraang matuklasang suspek sa kasong estafa at carnapping nang masita dahil sa paglabag sa ordinansa sa Sampaloc, Manila.
Napag-alaman, habang nagpapatrulya ang mga tauhan ng Manila Police District, namataan nila ang isang lalaking sakay ng motorsiklo ngunit walang suot na helmet sa España Boulevard sa Sampaloc, Manila.
Agad namang sinita ng mga awtoridad ngunit nadiskubre na peke ang driver’s license ng suspek na kinilalang si Mc Dainielle Manalang y Domingo, nasa hustong gulang, at residente ng Camella Springville, Molino 3, Bacoor, Cavite.
Batay sa ulat ni P/Lt. Col. Gene Licud, Station Commander ng MPD- Station 4, noong Setyembre 19 ng gabi, habang nagpapatrulya ang kanyang mga tauhan sa pangunguna nina P/SSgt. John Zafe at P/MSgt.
Antonio De Leon ng Lacson Police Community Precinct, namataan nila ang isang lalaki sa panulukan ng España Boulevard at A.H. Lacson St., sa Sampaloc.
Agad nila itong sinita dahil walang suot na helmet at nang maberipika ay natuklasang peke ang driver’s license ng suspek.
Dahil dito, dinala nila ang suspek sa kanilang PCP, na pinamumunuan ni P/Lt. Richard Mansibang, matapos mai-blotter ay idineretso sa nasabing himpilan ng pulisya.
Sa presinto, bukod sa paglabag sa simpleng ordinansa, nadiskubre nila na si Manalang ay may arrest warrant dahil sa mga kasong estafa at carnapping sa Malolos City, Bulacan.
Nabatid pa sa imbestigasyon ng pulisya, top 4 most wanted person si Manalang sa Bulacan.
Bukod sa nabanggit na mga kaso, ang suspek ay nahaharap din sa kasong paglabag sa Art. 172 (Falsification by Private Individuals and used of Falsified Documents), at Art.178 (Using Fictitious Name and Concealing true name). (RENE CRISOSTOMO)
314 