ARESTADO ang dalawang nakatatandang babae na pinaghihinalaang operator ng ilegal na sugalan sa ikinasang Oplan Bolilyo at Salikop ng Criminal Investigation and Detection Group- Northern District Field Unit noong nakaraang Huwebes, Marso 9, sa lungsod ng Malabon.
Sina Leonora Macapinig y Cuyos, 68-anyos at Felicita Crebillo y Quinto, 59, kapwa tubong Leyte at kasalukuyang residente ng Catmon, Malabon ay nahaharap sa kasong Violation of R.A 9287 (An Act Increasing Penalties for Illegal Number Games).
Ikinasa ng tropa ni PLTCOL Dominick S. Poblete ang operasyon sa superbisyon ni PCOL Hansel Marantan matapos makatanggap ng impormasyon na isang alyas Nora ang nagpapataya ng Lotteng/EZ-2 sa Hernandez St., Catmon, Malabon.
Naaktuhan ang mga suspek habang nangongolekta at nagta-tally ng ‘papelitos’ na ginagamit sa Lotteng/EZ-2.
Ayon pa sa impormasyon ng pulisya, ang mga suspek ay miyembro ng Amado Group na sangkot sa illegal number game operations sa CAMANAVA (Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela) area.
