KINUMPIRMA ng Department of Foreign Affairs na dalawang Pinoy ang namatay sa nagpapatuloy na giyera sa pagitan ng Palestinian Militant na Hamas at Israel.
Kasabay ng anunsyo sa social media, kinondena ni DFA Secretary Enrique Manalo ang pagkakapatay sa dalawang Pilipino at lahat ng mga gawaing terorismo at karahasan na bunga ng aksyon ng Hamas sa Israel.
Ikinalungkot naman ito ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Nagpahayag din ang Pangulo na patuloy niyang susuportahan ang mga apektadong Pilipino sa nasabing bansa.
“My heart is heavy upon hearing confirmation of the deaths of two Filipinos in Israel. The Philippines condemns these killings and stands firmly against the ongoing terror and violence,” ayon kay Pangulong Marcos sa isang kalatas.
Nananatili aniyang determinado ang pamahalaan na hangarin ang pangmatagalang kapayapaan gamit ang United Nations (UN) resolutions at international laws.
Binigyang diin din ng Chief Executive na hindi hihinto ang gobyerno ng Pilipinas na magpadala ng suporta para sa overseas Filipino workers (OFWs) at Filipino community na apektado ng nagpapatuloy na labanan sa pagitan ng Israeli forces at Hamas.
Bago ito, ipinag-utos ni Pangulong Marcos sa Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na hanapin at bilangin ang lahat ng OFWs at kanilang pamilya sa Israel.
Inatasan din ng Punong Ehekutibo ang lahat ng ahensiya na nauugnay sa usapin na protektahan ang OFWs at Filipino community at makipagtulungan sa Philippine Embassy sa Tel Aviv at sa Migrant Workers Office (WMO) sa Israel para tiyakin ang kaligtasan ng mga ito.
(CHRISTIAN DALE)
224