(NI DANG SAMSON-GARCIA)
LUSOT na sa Senado ang panukalang P4.1 trillion 2020 national budget matapos ang dalawang linggong deliberasyon.
Sa botong 22-0, inaprubahan na sa 2nd, 3rd and final reading ang panukalang Pambansang Budget kung saan bukod sa nakakulong na si Senador Leila de Lima ay hindi nakadalo sa sesyon si Senador Manny Pacquiao.
Sa inaprubahang budget ng Senado, itinaas ang pondo para sa Department of Education partikular para sa scholarhip programs lalo na ang voucher program para sa Private Senior High School.
Nagkaisa rin ang mga senador sa pagdaragdag ng pondo para sa Department of Health (DOH) upang palakasin ang vaccination program gayundin para sa dagdag na sahod ng mga nurse at alokasyon sa Philhealth para sa implementasyon ng Universal Health Care Law.
Nagdagdag din ng pondo sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa karagdagang alokasyon sa Disaster Response and Rehabilitation Program at Rice Assistance Program para sa mga biktima ng kalamidad.
Sa isyu ng seguridad, naglaan din ang Senado ng dagdag na pondo para sa mga programa ng Department of National Defense (DND), partikular sa laban sa terorismo at rebelyon, habang may karagdagang budget din ang Department of Interior and Local Government (DILG) upang palakasin ang programa laban sa kriminalidad.
Para naman sa usapin sa imprastraktura, nagdagdag din ang Senado ng pondo para sa ilang infrastructure projects, kabilang na ang konstruksyon ng mga tulay, kalsada, water supply at iba pang proyekto.
Inaasahan naman na masisimulan na ang Bicameral Conference Committee Meeting upang maresolba ang mga pagkakaiba sa mga panukalang inaprubahan ng Kamara at Senado.
Sa panig ng Senado, pinuno ng kanilang bicam panel si Senate Committee on Finance Chairperson Sonny Angara, habang miyembro nito sina Senators Ping Lacson, Cynthia Villar, Pia Cayetano, Win Gatchalian, Bong Go, Richard Gordon, Imee Marcos, Joel Villanueva, Ralph Recto, Nancy Binay, Grace Poe, Franklin Drilon, Kiko Pangilinan at Risa Hontiveros.
299