3 YEARS TERM NG AFP KEY GENERALS UMUSAD NA

INILABAS na ng House Committee on National Defense and Security ang Committee Report sa panukalang batas na ipako sa tatlong taon ang termino ng key generals ng Armed Forces of the Philippines (AFP) partikular na ang Chief of Staff (COS).

Base sa Committee Report (CR) No. 1331, mababago na ang kasalukuyang sistema na nagtatalaga ang pangulo ng bansa ng Chief of Staff ng AFP kahit ilang buwan na lamang ang itatagal ng mga ito ng serbisyo.

Base sa nasabing panukala, bukod sa COS ay magkakaroon din ng fixed tour of duty na magtatagal ng tatlong taon ang Vice Chief of Staff; Commanding General ng Philippine Army at Philippine Air Force; Flag Officer in Command, Philippine Navy; Unified Command Commanders at Inspector General.

“The tour of duty of the aforementioned officers shall commence on the date the appointment is signed and shall be for three (3) consecutive years unless sooner terminated by the President,” ayon sa committee report lalo na kung ang mga ito ay itatalaga sa mas mataas na posisyon.

Hindi maaaring palawigin ng pangulo ang tour of duty ng Chief of Staff maliban sa panahon ng giyera at iba pang national emergency na idedeklara ng Kongreso.

Mas mahaba naman ang tour of duty ng isang military officer na itatalaga bilang superintendent ng Philippine Military Academy (PMA) dahil apat na taon itong mamumuno sa akademya at hindi pwedeng tanggalin maliban lamang kung may mabigat na kaso.

Hahaba rin ang serbisyo ng key officers ng AFP dahil aalisin na sa mga ito ang compulsory retirement sa edad na 56-anyos dahil kahit umabot na ang mga ito sa nasabing edad at hindi pa tapos ang kanilang tour of duty ay hindi pa rin sila pwedeng magretiro.

Inaasahan na isasalang na sa plenaryo ang nasabing panukala para sa ikalawa at huling pagbasa at sisikapin umano ng mga ito na mapirmahan ito ng Pangulo bago siya bumaba sa puwesto. (BERNARD TAGUINOD)

4

Related posts

Leave a Comment