32M botante hindi ‘bulag’ forever – solons PAGGASTOS NG PONDO, 433 SECURITY DAPAT IPALIWANAG NI SARA

HINDI naniniwala ang isang mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na nagbubulag-bulagan ang 32 milyong Pilipino na nagluklok kay Vice President Sara Duterte noong nakaraang eleksyon kaugnay ng P125 milyon na confidential fund na ginastos sa loob lamang ng 19 araw noong 2022.

Sa press conference ng Makabayan bloc, sinabi ni House deputy minority leader France Castro na posibleng naghihintay ng paliwanag ang mga bumoto kay Duterte dahil pera nila ang nakataya rito.

“Alangan naman na ‘yang 32 million (na bumoto kay Duterte) ay magbulag-bulagan na lang kung nakikita nila na may something na misused o anomalya dun sa pondo. Kahit ba binoto nila yan.

So wala naman siguradong tao na magbubulag-bulagan forever dahil lang gusto nila ang isang tao,” dagdag pa ni Castro.

Magugunita na nabigo ang grupo ni Castro na matanong si Duterte sa natuklasan nilang P125 milyon confidential fund na ginastos nito noong 2022 matapos ipa-terminate agad ni Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos ang deliberasyon sa budget ng Office of the Vice President (OVP).

Sinabi naman ni Kabataan party-list Raoul Manuel na masamang senyales ang pananahimik ni Duterte kung papaano niya ginastos ang nasabing pera ng bayan sa mga kabataan na tinuturuan sa eskuwelahan na maging honest.

“Gusto nga natin maging honest ang mga kabataan kung saan gagamitin ang perang hinihingi nila mula sa kanilang mga magulang,” ani Manuel kaya dapat maging ehemplo si Duterte lalo na’t siya ang Kalihim ng Department of Education (DepEd).

Samantala, sinabi ni Castro na kakalkalin nila sa floor deliberation ng pambansang pondo ang 433 security ni Duterte na natuklasan ng Commission on Audit (COA) dahil hindi aniya ito katanggap-tanggap.

“Ano ba ito, isang batalyon ang security ng vice president. Ano ba siya insecure? Tingin natin labis-labis. Daig pa niya ang presidente kaya kukuwestiyunin namin ito (sa plenaryo),” ani Castro.

(BERNARD TAGUINOD)

213

Related posts

Leave a Comment