(NI BERNARD TAGUINOD)
PINASUSUBUKAN ng isang mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso sa mga employers at maging sa gobyerno ang 4- Day work week scheme dahil hindi lamang ang mga manggagawa umano ang makikinabang kundi ang mga negosyante at estado.
“Subukan lang natin po for the month of December. Pagbigyan po natin ang mga empleyado na napakaraming oras ang nauubos sa traffic-oras na dapat ay para sa pamilya,” ani House minority leader Bievenido Abante sa press conference nitong Miyerkoles.
Ayon sa mambabatas, hindi dapat matakot ang mga empleyado lalo na ang mga arawan, sa 4 day work week dahil hindi umano mababawasan ang kanilang sahod tulad ng kanilang kinatatakutan.
Sinabi ng mambabatas, na buong-buo ang sahod ng matatanggap ng mga empleyado kahit apat na araw lang sila papasok dahil madaragdagan ang oras ng kanilang pagtatrabaho.
Base sa panukala sa Kamara, imbes na 8 oras kada araw ang trabaho ng mga empleyado ay magiging 10 oras na ito kaya walang dahilan para mabawasan umano ang kanilang sahod.
Maliban dito, magkakaroon na ng mahabang oras ang mga empleyado sa kanilang pamilya hindi tulad ngayon na mas maraming panahon ang kanilang nagugugol sa trapik sa pagpasok at pag-uwi.
Malaki rin umano ang pakinabang ng mga employers sa 4-day work week tulad ng lumabas sa pag-aaral ng Institute for Labor Studies noong 2009 kung saan malaki ang natipid ng mga ito sa elektrisidad at mas tumaas pa ang kanilang produksyon.
138