(Ni BERNARD TAGUINOD)
“Kung walang krisis sa transportasyon malapit na dapat sya sa Baguio sa ganung katagal na byahe”.
Ganito inilarawan ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate ang halos apat na oras na biyahe ni Presidential spokesman Salvador Panelo matapos tuparin ang “commute challenge” nitong Biyernes.
Ayon kay Zarate, naglalaryo sa 23 hanggang 25 kilometro ang layo ng Malacanang mula sa Concepcion Uno, sa Marikina City subalit halos apat na oras ang ibinayahe nito kung saan nakaapat na jeep ito at isang motorsiklo papasok na sa Palasyo.
Sinabi ng mambabatas na kung walang krisis sa lansangan, dapat isang oras lamang ang nasabing biyahe kaya dapat na aniyang tumulong ang opisyal upang maresolba ang nasabing problema imbes na maliitin ang nararanasang kalbaryo ng mga commuters araw-araw.
‘PUWERA E-POWER
Gayunpaman, sinabi ni Zarate na hindi dapat isama sa resolusyon ng problema sa trapiko ang pagbibigay ng emergency power kay Pangulong Rodrigo Duterte dahil hindi umano ito ang sagot na nais ng mamamayan.
“Pero hindi rin ito dahilan para ipilit nila ang emergency powers na mukhang pagkakakitaan lang ng mga nasa poder pero di naman lulutas sa problema sa transportasyon,” ayon sa kongresista.
Noong 2016 unang ipinanukala na bigyan ng emergency power si Duterte upang maresolbahan ang problema sa trapiko sa Metro Manila at bagama’t pumasa ito sa Kamara ay hindi naman inaksyunan ng Senado.
Ayon kay Zarate, hindi ang e-power ang solusyon sa trapiko kundi ang seryosong pagpapatupad ng batas at maayos na mass transportation hindi tulad ngayon na sirain umano ang mga tren.
170