4 PETC SINUSPINDE NG DOTr

dotr

(NI KEVIN COLLANTES)

SINUSPINDE ng Department of Transportation (DOTr), sa pamamagitan ng Investigation Security and Law Enforcement Staff (ISLES), ang apat na private emission testing centers (PETC) sa bansa matapos matuklasang namemeke ng emission test results.

Ayon sa DOTr, sakop ng preliminary suspension order (Department Order 2016-017) ang Lucena Grand Service Station, Inc., na matatagpuan sa Diversion Road, Brgy. Ilayang Dupay, Lucena City, 4301, Quezon at MCRB Emission Testing Center, na nasa 59 Upper Irisan, Naguilian Road, 2600, Baguio City.

Kasama rin ang One Eighteen Pollution Test Services-Maramag Branch sa National Highway, South Poblacion, Maramag, 8714, Bukidnon; at  Iprotek Emission Testing Center – Malaybalay City, 8700, Bukidnon.

Nabatid na magtatagal ng 90-araw ang suspension order, na sinimulang ipatupad nitong Enero 9, 2019 lamang. Anang departamento, napagkalooban na nila ng kopya ang mga naturang PETC, gayundin ang PETC IT Service Provider.

Binalaan naman nila ang naturang IT service provider na papatawan din ng kahalintulad na parusa kung babalewalain ang kanilang kautusan at ipagpapatuloy pa rin ang pagproseso sa anumang data na ipapadala sa kanila ng mga naturang sinuspindeng PETC.

9

Related posts

Leave a Comment