4 RECLAMATION PROJECTS SINUSPINDE

SINUSPINDE ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang apat na reclamation projects makaraang idulog ng ilang opisyales ng lalawigan ng Bulacan ang pangangailangan na bigyan ng sapat na engineering intervention ang proyekto.

Sinabi ng Pangulo na isinasailalim sa masusing pagsusuri ang apat na reclamation projects habang may isa naman ang itinuloy matapos ang kaukulang pagrerebisa.

Winika ng Pangulo na marami na silang nakitang problema gaya ng hindi magandang patakbo sa ginagawang proyekto kaya’t ipinasuspinde muna ang mga ito.

Ayon sa Punong Ehekutibo, dapat na maisaayos ang nakitang problema lalo’t maraming mga ilog ang mababarahan kung itutuloy ang proyekto.

Samantala, sinabi ng Pangulo na parang nawawala at natatabunan na ang dagat sa Roxas Boulevard dahil sa reclamation.

Kaugnay nito, suportado nina Senador JV Ejercito at Cynthia Villar ang kautusan ng Pangulo na suspendihin ang reclamation activities sa Manila Bay.

Ayon kay Senator Cynthia Villar, natutuwa siya sa desisyon ng Pangulo.

Isa anya itong magandang balita sa mga nangangamba sa malawakang pagbaha na maidudulot sa Metro Manila ng reclamation.

Mahigpit na tinututulan ni Villar ang reclamation activities sa Manila Bay dahil nangangamba siyang bahain ang maraming lugar sa Las Piñas City dahil wala nang dadaluyan ang tubig kapag bumuhos ang malakas na ulan.

Una rito, iginiit ni Ejercito na nakalulungkot na sa halip na sariwang hangin ay buhangin na ang nalalanghap sa Manila Bay.

(CHRISTIAN DALE/DANG SAMSON-GARCIA)

196

Related posts

Leave a Comment