MARAMING Filipino ang hindi kuntento sa pagpapatupad ng programang K-12.
Ito ang inihayag ni Senador Sherwin “Win” Gatchalian base umano sa pinakahuling survey ng Pulse Asia kaya’t kailangan ang reporma sa sistema ng edukasyon.
Aniya, sa mahigit isang libong (1,200) respondents sa isinagawang survey, halos limampung (47) porsyento ng mga Filipino ang hindi kuntento sa K-12. Halos apatnapung (38) porsyento naman ang nagsasabing kuntento sila at labintatlong (13) porsyento naman ang hindi sigurado kung kuntento nga ba sila o hindi.
Sa mga nagsabing hindi sila kuntento sa programa, giit pa ni Gatchalian na halos walumpung (78) porsyento ang nagsasabing dagdag gastos ang karagdagang dalawang taon sa high school.
Apatnapung (40) porsyento naman ang nagsasabing hindi sapat ang high school diploma upang magkaroon ng sapat na trabaho, at mahigit tatlumpung (31) porsyento naman ang nagsasabing mas nais nilang makatanggap ng dekalidad na edukasyon imbes na karagdagang taon ng pag-aaral.
Apatnapung (40) porsyento rin ang nangangambang tataas ang drop-out rate dahil sa K-12, at halos apatnapung (39) porsyento naman ang nagsasabing nangangailangan pa ang mga paaralan ng karagdagang silid-aralan at guro.
Noong isinabatas ang K-12 taong 2013, ipinangako ng programa na madaling magkakaroon ng trabaho ang mga makatatapos ng senior high school. Ngunit ayon sa isang survey na isinagawa ng JobStreet noong 2018 sa limandaang (500) kumpanya, wala pang tatlumpung (24) porsyento ang handang tumanggap sa mga nagtapos ng K-12. ESTONG REYES
215