6 BUWAN PANG MARTIAL LAW HINIRIT

Nakakuha na ng suporta sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang plano ng administrasyong Duterte na palawigin ang Martial Law sa buong rehiyon ng Mindanao.

Sa kanyang House Resolution 2302, hiniling ni Iligan City Representative Frederick W. Siao kay Pangulong Rodrigo Duterte na paliwigin ng 6 na buwan ang buhay ng batas militar sa Mindanao.

“The ISIS, their collaborators among lawless armed groups, and the illegal drugs networks operating in Mindanao want to sow terror in pursuit of their twisted objectives,” ani Siao.

Ito ang dahilan kaya hiniling nito kay Duterte na palawigin ang buhay ng martial law at para matiyak din ang peace and order sa buong rehiyon sa panahon ng halalan sa Mayo 2019.

Ang Martial Law sa Mindanao ay hanggang sa Disyembre 3, 2018 na lamang kaya nais nito na mapalawig ito hanggang Hunyo 2019 dahil makakatulong umano ito para masigurong maproteksyunan ang boto ng mga mamamayan at maging ang mga election officers sa rehiyon sa darating na midterm election.

Magugunita na unang isinailalim ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Mindanao sa Martial Law noong Mayo 2017, matapos umatake sa Marawi City ang pinagsanib na puwersa ng Abu Sayyaf Group at Maute group na naging dahilan para mawasak ang buong siyudad. BERNARD TAGUINOD

15

Related posts

Leave a Comment