(Ni FRANCIS SORIANO)
NANINIWALA ang Department of Tourism (DoT) na maaabot ng pamahalaan ang target nitong 8.2 milyon dayuhang turista sa bansa sa taong 2019.
Ito ay dahil sa mas mataas na porsiyentong naitala sa bilang ng mga dayuhang turista na nasa bansa sa katulad na panahon noong 2018.
Ayon kay Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat, pumalo ng 7.59-percent o 2.2 milyon ang bilang ng foreign visitors ng bansa mula Enero hanggang Marso na ang pinakamarami pa rin ay Korean nationals na sinundan ng mga Chinese, Amerikano at Hapon.
Bukod sa mga dayuhang bisita, patuloy na nakatutok ang DoT sa target nitong 89 milyong domestic tourists pagdating ng 2022.
Gayunman, aminado si Puyat na malaki ang naging epekto ng pagsasara ng Boracay para sa rehabilitasyon noong nakaraang taon kaya nakabawas ng malaking porsiyento ang pagdating ng mga dayuhang turista.
Lumalabas din sa datos ng Philippine Statistics Authority ((PSA) na umabot ng 7.1 milyon ang bilang ng dayuhang travelers sa kabuuan ng 2018.
156