87 CHINESE AT 16 PINOY NA INARESTO SA ONLINE ILLEGAL GAMBLING ISINAILALIM SA INQUEST PROCEEDINGS

(Istorya nina KEVIN COLLANTES AT LHEAN ANGELES)

Isinailalim na sa inquest proceedings ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) ang may 87 Chinese at 16 Pinoy, na sangkot umano sa online illegal gambling at naaresto sa isinagawang pagsalakay sa isang gusali sa Barangay Ugong, Pasig City nitong Huwebes (Nobyembre 22, 2018) ng hapon.

Ayon kay NCRPO chief, P/Director Guillermo Lorenzo Eleazar, mga kasong paglabag sa Section 6 ng Republic Act 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012, in relation to Presidential Decree 1602 as amended by RA 9287 (Illegal Gambling) ang inihaing kaso ng NCRPO sa tanggapan ni Asst. City Prosecutor Rommel Pereyra, laban sa mga suspek, na kinabibilangan ng 87 Chinese (61 lalaki at 26 na babae) at 16 na Pinoy (pitong lalaki at siyam na babae), na pawang empleyado/ahente ng Finasia Tech., dakong 2:00 ng hapon kanina.

Kasama ring kinasuhan ang kinatawan ng Finasia Tech na si Manuel ‘AJ’ Pangilinan na sinasabing kamag-anak umano ni Senator Francisco “Kiko” Pangilinan, na hindi naaresto ng mga awtoridad nang salakayin ang kanilang tanggapan dahil wala ito sa lugar ng mga panahong iyon.

Sinabi ni Eleazar na sa ngayon ay wala pang disposisyon ang piskalya sa kaso at nananatili pa sa kustodiya nila ang mga suspek.

Ang mga suspek ay matatandaang naaresto dakong 1:00 ng hapon nitong Huwebes, nang pinagsanib na pwersa ng Regional Special Operations Unit (RSOU), Regional Mobile Force Battalion (RMFB)-SWAT, NCRPO at Anti-Cyber Crime Group (ACG), sa pakikipag-ugnayan ng Pasig City Police Station, sa tanggapan ng Finasia Tech Inc., na matatagpuan sa ikalawang palapag ng Ortigas Techno Point Building 2, CW Home Depot Complex, Doña Julia Vargas Avenue, sa Barangay Ugong.

Armado ang mga awtoridad ng Search Warrant na inisyu ni Hon. Judge Encarnacion Jaja Moya, ng Makati City Regional Trial Court Branch 146, noong Nobyembre 15, 2018, nang salakayin ang lugar.

Lumilitaw sa imbestigasyon ng pulisya, na ang Finasia ay nag-o-operate ng illegal online gambling sa mga websites na hindi naman lisyensyadong Philippine Offshore Gaming Operation o POGO, at hindi rin POGO agent, o special class BPO sa ilalim ng Philippine Gaming and Amusement Corporation (PAGCOR), kaya’t sinalakay ang lugar, na nagresulta sa pagkakaaresto ng mga suspek.

Samantala sa kabila nang pagkasabit ng pangalan ni Senador Pangilinan ay nananatiling tahimik ito at wala pang anumang pahayag kaugnay sa nasabing isyu upang mabigyang linaw na rin ang hinalang baka may basbas umano nito ang nasabing operasyon ng umano’y kamag-anak.

10

Related posts

Leave a Comment