$9-B mawawala sa ekonomiya JOBLESS OFWs AABOT SA 400K

MAKSIMUM na 400,000 overseas Filipino workers (OFWs) ang mawawalan ng trabaho ngayong taon kapag nagpatuloy ang paghinto ng kanilang pagtatrabaho sa iba’t ibang bansa dulot ng coronavirus disease-2019 (COVID – 19).

Sa kasalukuyan, umabot na sa 50,000 ang pinabalik sa Pilipinas dahil sa COVID-19, banggit ni Senador Emmanuel Joel Villanueva.

Kapag umabot sa 400,000 OFWs ang nawalan ng trabaho ngayong 2020, aabot sa siyam na bilyong US dollar ang mawawala sa ekonomiya ng bansa, pahayag ni Villanueva.

Ngunit, hindi naman babagsak ang ekonomiya ng bansa kapag nawala ang $9 bilyon dahil sobrang liit lang ang porsiyento nito sa gross domestic product (GDP) ng bansa.

Nitong 2019, umabot sa kabuuang $30 bilyon ang pumasok sa bansa na katumbas ng siyam na porsiyento sa GDP.

Nanawagan si Villaneva sa administrasyong Duterte na habang maaga pa ay bumalangkas ito ng malinaw na plano upang magkaroon ng hanapbuhay o mapagkakakitaan ang OFWs na mawawalan ng trabaho upang magkaroon pa rin sila ng ambag sa ekonomiya ng bansa.

Matatandaang inanunsiyo ng pamahalaan nitong Mayo na tumaas sa 7.3 milyong Filipino ang nawalan ng trabaho nang magkaroon ng lockdown sa maraming rehiyon at lalawigan sa bansa, kabilang na ang Luzon, dahil sa COVID-19.

Umaabot sa 75 porsiyento ang kontribusyon ng Luzon sa GDP ng bansa. NELSON S. BADILLA

336

Related posts

Leave a Comment