TULAD ng inaasahan, ayaw pakawalan ng mga lider ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang Ayuda sa Kapos Ang Kita Program (AKAP) na ipinabubura ng Senate Finance committee sa 2025 national budget.
Sa press conference kahapon, hindi naitago ni House deputy majority leader Jude Acidre ang panghihinayang kung mawawala ang nasabing ayuda sa mga low income earner kaya dapat umanong ikonsidera ang rekomendasyon ni Senador Grace Poe na burahin ito sa pambansang budget.
“I hope that our senators will go beyond the noise of issue but rather look at the program on its own merits ‘no kasi sayang naman. Kung meron silang counter suggestion eh sana hindi yung pag-alis,” ani Acidre.
Iginiit nito na malaki ang tulong ng nasabing programa at napasigla umano ang ekonomiya dahil nagkaroon ng purchasing power ang mga walang kita.
Sa ilalim ng House version, nilaanan ng P26.7 billion ang nasabing programa sa susunod na karagdagan sa iba’t ibang ayuda ng pamahalaan tulad ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps, Tulong Pang-hanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD), Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) at iba pa.
Sinimulan ang nasabing programa ngayong taon na isinailalim sa Office of the Secretary ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) matapos umanong isingit ito sa Bicameral Conference Committee ng 2024 General Appropriations Act (GAA).
“If there will be is a chance to give much allocation or higher allocation, I will move for that,” ayon naman kay House assistant majority leader Rep. Jil Bongalon na tumatayong vice chairman ng House committee on appropriations.
Ayon naman kina Lanao de Sur Rep. Zia Alonto Adiong at Cagayan de Oro City Rep. Lord Suan, malaki ang tulong ng nasabing programa para matulungan lalo ang minimum wage earners. (BERNARD TAGUINOD)
48