HINDI tinatantanan ng Philippine National Police (PNP) ang paghahanap kina dismissed Bamban,Tarlac Mayor Alice Guo at Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Pastor Apollo Quiboloy.
Ito ang nilinaw nina PNP Chief Gen. Rommel Marbil at Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos sa budget hearing ng nasabing ahensya sa Kamara kahapon.
Sa interpelasyon ni Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel, kinuwestiyon nito ang PNP dahil hanggang ngayon ay hindi pa naaaresto ng mga ito sina Guo o Guo Hua Ping at Quiboloy.
“Kapag ordinaryong tao ang dali nating hulihin. How about personalities? We have people like Alice Guo, Apollo Quiboloy hindi pa natin nahuhuli? Ano ba ang plano ng PNP dun sa mga personalities na dapat hulihin?,” tanong ni Manuel.
Sa paliwanag ni Marbil, hindi nila tinatantanan sina Guo at Quiboloy taliwas sa inaakala ng marami.
“Continous ang tracking namin. Not only the PNP but all the agencies involved especially ang Bureau of Immigrations and intelligence unit natin from National Security Agency because of the like of these people,” ani Marbil na ang tinutukoy ay si Guo.
“With regard to Quiboloy, ganun din ang ginagawa namin. Tuloy tuloy ang surveillance namin sa area po and new locations po ng ibang tao na hindi pa nahuhuli kasama po ni fugitive Quiboloy,” dagdag pa ni Marbil. (BERNARD TAGUINOD)
60