ALOK NG SOLON SA NAGREKLAMO NG RAPE VS. ‘SON OF GOD’: COUNSELLING SA ‘BIKTIMA’ NI QUIBOLOY

Rep Arlene Brosas-4

HINDI lang suporta upang lumantad at maghain ng reklamo ang alok ng Gabriela Party-list sa sinomang rape victim kabilang ang dalagang nagreklamo laban kay Pastor Apollo Quiboloy, pinuno ng Kingdom of Jesus Christ.

Ayon sa grupo, kailangan ding sumailalim sa counselling ang mga biktima ng rape.

Sa panayam ng PeryodikoFilipino Inc. (PFI) kay Cong. Arlene Brosas, bilang kinatawan ng kababaihan sa mababang kapulungan ng Kongreso ay sinabi niyang buong-buo ang kanilang suporta sa laban ng biktimang itinago sa pangalang Brenda laban kay Quiboloy.

Tiniyak din ng mambabatas na tututukan nila ang kasong isinampa ni Brenda sa National Prosecution Service Office of the City Prosecutor sa

Davao City, Davao del Sur laban kay Quiboloy, self-proclaimed ‘Son of God’.

Sa reklamo ng 21-anyos na si  Brenda, naganap umano ang panggagahasa sa kanya ni Quiboloy noong Setyembre 1, 2014 sa loob ng compound ng Jose Maria College dakong ala-1 ng madaling-araw. Labing pitong taong gulang pa lamang siya noon.

Pinangakuan umano ni Quiboloy ang biktima na pag-aaralin at dadalhin sa iba’t ibang lugar kung susundin palagi ang utos ng sinasabing “Almighty Father” o “Father’s Will”.

Bukod sa sekswal na pang-aabuso, inireklamo rin ng dalaga ang limang iba pa na sina Jackielyn Roy, Cresente Canada, Pauline Canada, Ingrid Canada at Sylvia Cemanes sa pang-aabusong sinapit niya habang nagsisilbing ‘fulltime miracle worker’ sa simbahan sa edad na 12-anyos.

Kasabay nito, hinikayat ni Brosas si Brenda na makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan upang maibigay ang mga nararapat na ayuda sa kanya.

Ayon sa mambabatas, ang kagustuhang ganap na matulungan ang mga biktima ng pang-aabuso ang nagtulak sa kanila upang amyendahan ang kasalukuyang batas at lalo pa itong palawakin.

Aniya, maraming kababaihan na biktima ng pang-aabuso ang hindi lumulutang sa maraming kadahilanan.

Kabilang sa mga ito ay ang kawalan ng lakas ng loob, kilala o malaking tao ang nang-abuso, kahihiyan at marami pang iba.

“Hindi ibig sabihin na nananahimik at hindi nagrereklamo ang biktima ay hindi na rape ang nangyayari, basta labag sa kanyang kagustuhan ay maituturing itong pang-aabuso,” dagdag pa ni Brosas.

Sa kabila nito, kinakailangan aniyang lumutang ang mga biktima ng pang-aabuso para mabigyan sila ng hustisya at maipakulong ang mga may sala.

“Mas maraming biktimang lumutang ay mas malakas ang kaso laban sa mga nang-aabuso,” pahayag ni Brosas.

Kaya naman binuksan ng mambabatas ang kanilang opisina sa #25 K10th, Brgy. West Kamias, Quezon City sa lahat ng kababaihan na biktima ng pang-aabuso.

Ayon pa sa mambabatas, handa silang tumulong sa kababaihang biktima ng pang-aabuso maging ordinaryo o opisyal man ng gobyerno ang gumawa nito. Sinabi pa niya na bagamat mabigat na ang kaparusahan sa mga nang-aabuso sa kababaihan ay mas palalawakin pa nila ang sakop  ng batas para mabigyang hustisya ang mga biktima. (JOEL O. AMONGO)

225

Related posts

Leave a Comment