(NI BERNARD TAGUINOD)
UPANG malinis sa mga corrupt ang Philippine National Police (PNP), kailangang papasukin na ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) sa lifestyle check sa mga pulis, ano man ang ranggo ng mga ito.
Ito ang rekomendasyon ni AKO Bicol party-list Rep. Alfredo Garbin kasunod ng napaagang pagreretiro ni PNP chief Oscar Albayalde sa gitna ng mga alegasyong prinotektahan nito ang 13 Ninja Cops noong siya pa ang provincial director ng Pampanga.
Bukod sa AMLC, kailangan din umano ang tulong ng Civil Service Commission (CSC), Ombudsman, Bureau of Internal Revenue (BIR) at Professional Regulatory Commission (PRC) sa isasagawang lifestyle check sa mga pulis bago magkaroon ng promosyon ang mga ito.
“This can be done under a joint memorandum among those government offices or through presidential executive order,” ayon pa sa kongresista dahil kailangang malinis na umano ang PNP sa mga scalawags na sumisira sa kanilang institusyon.
TIWALA NG PUBLIKO SA MGA PULIS, AGAPAN
Ayon naman kay Quezon City Rep. Alfred Vargas, iginiit nito na gamitin na ang oversight committee ng Kongreso para maagapan ang pagkawala ng tiwala ng publiko sa PNP sa gitna ng kontroberya ukol sa Ninja cops.
“On the ground, mahalagang may tiwala ang publiko sa ating Pambansang Pulis dahil sila ang takbuhan ng mga mamamayan lalo na kapag mayroong krimen. Hindi dapat kinakatakutan ng mga taong masunurin sa batas ang mga pulis. Mga kriminal lang dapat ang matakot sa pulis,” ani Vargas.
Naniniwala si Vargas na mangilan-ngilan lang ang mga scalawags sa PNP at kailangang mawala umano ng mga ito at maparusahan sa paggamit sa kanilang kapangyarihan sa paggawa ng krimen kaya mahalaga ang papel dito ng Congressional Oversight.
ALBAYALDE DI TATANTANAN
Sinabi naman ni Kabataan party-list Rep. Sarah Elago na hindi tatantanan ng mga kabataan si Albayalde hangga’t hindi mapanagot sa ninja cops na kanyang mga dating tauhan, kahit nagresign na ito ng maaga.
“Albayalde’s resignation does not end the deadly negligence and corruption in the Duterte administration’s drug war, aggravated by the unmasking of ‘ninja cops.’ This won’t appease the youth’s call for truth and liability over the PNP chief’s alleged involvement in the recycling of seized illegal drugs,” ani Elago.
Unang sinabi ni Albayalde na sa Oktubre 29, 2019 pa ito magreretior subalit ginulat nito ang publiko nang ihayag nito ang pagreresign bilang Chief PNP nitong Lunes.
262