(NI JEDI PIA REYES)
SISIMULAN na ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Abril 24 ang pagbibigay ng amnestiya sa mga delingkuwente sa pagbabayad ng buwis.
Kasabay nito ay hinihimok ng BIR ang publiko at mga kumpanya na samantalahin ang amnestiya upang malinis ang kanilang rekord sa ano mang pagkakautang at kaso.
Ang pagbibigay ng amnestiya ay alinsunod na rin sa Republic Act 11213 or ang Tax Amnesty Act of 2019 na sumasakop sa lahat ng national taxes tulad ng capital gains tax, documentary stamp tax, donor’s tax, excise tax, income tax, percentage tax, value-added tax (VAT), at withholding tax.
Sakop ng amnestiya ang taxable year 2017 at sa mga nakalipas na taon.
Ayon sa BIR, depende sa bigat ng pagiging delingkuwente at assessment o sa status ng kaso ang magiging porsyento ng amnestiya.
Sa sandaling makumpleto na ng delingkuwenteng tax payer ang mga kondisyon at requirements na kailangan ng BIR, maaaring maikonsiderang sarado na o naresolba ang mga kasong kriminal, administratibo o sibil laban dito.
Nauna nang tinataya ng Department of Finance (DoF) na maaaring kumita ang gobyerno ng P21.26 bilyon sa isang taong implementasyon ng tax amnesty.