ANAKPAWIS PARTY-LIST NAGLABAS NG EBIDENSIYA NG DAYAAN

anakpawis12

(NI BERNARD TAGUINOD)

NAGLABAS ng ebidensya ang Anakpawis party-list group na nagpapatunay na binawasan ang kanilang boto kaya hindi nakapasok sa winning circle.

Dahil dito, umapela si Rep. Ariel Casilao, kinatawan ng nasabing grupo ngayong 17th Congress sa ibang natalong party-list group na magprotesta dahil maaaring binawasan din ang boto noong nakaraang eleksyon.

Ayon sa mambabatas, sa 34 presinto pa lamang o 21 sa Manila at 13 sa Quezon City, ay nawalan na umano ang kanilang grupo ng 717 boto matapos ikumpara ang nakuhang boto ng mga ito sa website ng Commission on Elections (Comelec) sa aktuwal na bilang ng boto ng kanilang mga miyembro sa nasabing mga lugar.

Inihalimbawa ni Casilao ang  Clustered Precincts 39010032-51 sa Almario Elementary School sa Manila kung saan may 300 miyembro umano ng Anakpawis ang bumoto subalit 154 lang ang kanilang nakuhang boto kaya nawalan ang mga ito ng 146 votes.

Sa Rosa Susano Elementary School sa Quezon City, partikular sa Clustered Precincts 74041184-89, ay 42 lamang umano ang kanilang nakuhang boto gayung may 300 din umano silang miyembro dito na bumoto kaya nawalan ang mga ito ng 258 votes.

Sinabi ng mambabatas na sa mga nabanggit na presinto, dapat 940 boto umano ang dapat nakuha ng Anakpawis subalit 223 lamang ang nabilang sa kanila kaya nawalan sila ng 717 boto.

“This is just a snapshot of what possibly took place against opposition party-list groups, or even senatorial candidates.  In Mindanao, we received initial reports about unbelievable voter turnout for our group,” ani Casilao.

Idinagdag pa nito na “If they could do this in Metro Manila, they could easily carry this out in martial law Mindanao, where the elections were controlled by the police and military”.

Dahil dito, dapat aniyang magprotesta ang ibang party-list organizations na mayroong mga supporters subalit hindi tugma ang bilang ng kanilang nakuhang boto sa mga aktuwal na bumoto sa kanila.

 

198

Related posts

Leave a Comment