(NI DAHLIA S. ANIN)
NAKATAKDA umanong dagdagan ng National Water Resources Board (NWRB) ang alokasyon ng tubig sa Metropolitan Waterworks Sewerages System (MWSS) dahil naabot na ng Angat dam ang normal operating level nito.
Ayon kay NWRB executive Director Sevillo David Jr. mula sa dating 36 cubic meter per second (cms) ay itataas na ito sa 40 cms.
Inaasahang tataas pa ang antas ng tubig sa Angat dam dahil sa bagyo at sa pagtataya ng Pagasa, ngayong Setyembre ay mararansan ang near-normal rainfall na siyang magpapataas sa antas ng tubig sa mga dam.
Matatandaan na noong Hunyo mula sa regular na alokasyon sa MWSS na 46cms ay ibinaba sa 40cms at muling binawasan kaya naging 36 cms dahil sa patuloy na pagbaba ng tubig sa Angat dam.
Isang malawakang water interruption din ang ipinatupad ng mga water concessionaire na inalmahan ng mga konsumer.
Sa huling tala ng monitoring ng Pagasa, umabot na sa 180.75 meters ang lebel ng tubig sa Angat mula sa 179.96 noong Lunes.
Tumaas din ang antas ng tubig sa Ipo dam sa 101.09 mula sa 101.05 at ang La Mesa dam na mula sa 76.88 ay tumaas sa 77.11 meters.
125