(Nina NELSON S. BADILLA at BERNARD TAGUINOD)
IPINAALALA kahapon ng Partido Manggagawa (PM) ang mismong itinakda at ipinag-utos ng charter ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na bawal ang monopolyo sa pampublikong sasakyan, kabilang ang transportasyong motor taxi para sa mga mananakay.
Ito ang tugon ng grupo sa maliwanag na paglabag ng ride-hailing app company na Angkas dahil sa nais nitong masolo ang negosyo sa nasabing uri ng transportasyon.
Idiniin ni Wilson Fortaleza, tagapagsalita ng PM, na “ang charter mismo ng LTFRB grants no monopoly to public transportation.”
Ang PM ay sumusuporta sa pagkakaroon ng motor taxi, sapagkat maraming manggagawa na mayroong sariling motorsiklo ay magkakaroon ng sariling kabuhayan na sila ang mamamahala.
Hiningi ng Saksi Ngayon ang pahayag ng PM kung saan ang mga kasapi nitong manggagawa ay araw-araw na sumasakay ng bus, tren, taxi at motor taxi upang makarating sa kani-kanilang trabaho para malaman ang pananaw ng isang samahan ng mga manggagawa hinggil sa pagpasok ng mga kumpanyang JoyRide at MoveIt sa hanay ng transportasyong motor taxi.
Layunin ng pagsali ng JoyRide at MoveIt ay upang basagin ang monopolyo ng Angkas sa larangan ng motor taxi.
Sa mga nakalipas na taon, kapansin-pansing kontrolado ng Angkas ang linya ng motor taxi.
Nitong huling bahagi ng 2019, pinayagan ng LTFRB na makapasok ang JoyRide at MoveIt upang ialok ang kani-kanilang serbisyo sa mga mananakay.
Ngunit, kinuwestyon ito ng Angkas dahil gumamit daw ng padrino mula sa Senado, partikular ang JoyRide, upang palakihin ng LTFRB ang bintana ng transportasyong motor taxi.
Mariin itong itinanggi ng LTFRB at ng Department of Transportation (DOTr).
Idiniin ng DOTr na hindi koneksyon ng anomang kumpanya ang nasunod sa pagpayag ng LTFRB na makasali ang JoyRide at MoveIt, kundi ang kani-kanilang pagkilala, pagsunod at pagbibigay ng mga dokumentong hinihingi ng LTFRB.
Ang pagkakaroon ng iba pang ride-hailing company ay pagpapatunay ding pinaiiral ng LTFRB ang patakarang walang monopolyo sa pampublikong transportasyon, susog pa ng DOTr.
Ipinaliwag ni Fortaleza na “hindi magkakaroon ng monopolyo [sa pampublikong sistema ng transportasyon] alinsunod sa umiiral na mga batas.”
“Ang may natural monopolies lang ngayon sa mga industriya ay transmission at distribution sector sa power industry,” patuloy ni Fortaleza.
KAMARA NAIINIS SA GRAB
BANAS naman ang mababang kapulungan ng Kongreso sa Grab, hindi lamang sa napakaliit na refund na ibinibigay ng mga ito sa kanilang mga pasahero dahil sa kanilang mga paglabag sa batas kundi sa kanila umanong pang-aabuso.
Ayon kay ACT-CIS party-list Rep. Eric Yap, napakaliit ng P1 refund na ibinibigay ng Grab sa kanilang mga pasahero na gumastos ng P1,200 mula Pebrero hanggang Mayo 10, 2019 at P1 naman sa P450 na pasahe mula Mayo 11 hanggang Agosto 10, 2019.
“Hindi makatwiran ang refund na ito. Napakaliit! Hindi tayo naniniwala na sa isang ride, wala pang piso ang maire-refund sayo. Buti sana kung sa drivers ito lahat napupunta eh,” ani Yap.
Sinabi rin ng kongresista na siya mismo ay nakaranas ng pang-aabuso at pagsasamantala ng Grab nang isang beses itong mag-book subalit dalawang beses na nakansela.
“Tapos noong pangatlong subok, naging doble ang presyo. Mapapa-wow ka na lang talaga sa sobrang taas ng presyo,” anang mambabatas na may dudang sinasamantala ng Grab ang problema sa trapik at kagustuhan ng mga commuter na makauwi agad sa kanilang pamilya.
Dahil dito, kailangan aniyang suportahan ang iba pang ride-hailing application upang mabawasan ang lakas ng loob ng Grab na magpataw ng napakataas na presyo dahil ang mga rider ang pinahihirapan ng mga ito.
Iminungkahi rin ng mambabatas na hindi dapat magkasya sa pagpapataw ng refund sa Grab sa bawat paglabag ng mga ito sa batas dahil kung hindi ay patuloy silang mang-aabuso.
171