(NI KEVIN COLLANTES)
UPDATED
HUMINGI na ng paumanhin sa publiko ang motorcycle hailing service na Angkas matapos umani ng mga puna at batikos ang kanilang kontrobersyal na tweet, na naghahalintulad sa kanilang serbisyo sa ‘sex’ o ‘pakikipagtalik.’
Hindi nagustuhan ng publiko ang naturang tweet ng Angkas at nakatawag din ng pansin ng Philippine National Police (PNP) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) dahil maaari umanong magdulot ng takot sa mga pasahero.
“Angkas is like sex. It’s scary the first time pero masarap na ulit-ulitin. New user? Use promo code ANGKASARIWA on your first 2 rides,” anang naturang kontrobersiyal na tweet ng Angkas.
Kaagad naman itong binura ng Angkas matapos na sitahin ng PNP at LTFRB dahil hindi anila ito katanggap-tanggap at sa halip na makaakit ng mga pasahero, ay posibleng magdulot pa ng pangamba sa mga ito.
Naglabas na rin ng pahayag ang Angkas, na pirmado ni Angeline Tham, chief executive officer nito at may petsang Agosto 1, upang humingi ng paumanhin.
“We must admit that we made a misstep today. We would like to emphasize that making our riders feel uncomfortable is the last thing we want to do. For this, we sincerely apologize,” bahagi ng pahayag.
Ayon kay Tham, hindi nila intensiyong iparamdam sa kanilang mga suki na hindi ligtas ang kanilang mga parokyano na maaaring nakapagbigay ng duda sa kanilang integridad.
Ipinaliwanag pa niya na ang tunay na mensaheng nais nilang ipahiwatig sa tweet ay maaaring pagkatiwalaan ang kanilang serbisyo sa sandaling masubukan na ito.
“If nothing else, our 99.997% safety record is a testament to the quality of our service,” giit pa ng Angkas.
Maging sa kanilang bikers ay humingi rin ng paumanhin ang Angkas dahil alam nilang naturuan naman silang respetuhin ang mga pasahero.
“We would also like to take this opportunity to apologize to our Angkas bikers. As this incident has, through no fault of their own, cast them in an unfair light. Our biker-partners have been trained to respect their riders and make them as comfortable as possible. And no tweet can change that fact. They are qualified professionals who are just working hard to make a decent living for them themselves and their families,” anito pa.
“Having said this, we would like the public to know that while we believe sex should be discussed naturely and openly, out treatment of it through this Tweet was far from desirable. Sex should never be used to create shame, fear, or disgust, and certainly not used lightly for the sake of some buzz,” dagdag pa nito.
Nauna rito, nitong Hunyo ay pinahintulutan ng Department of Transportation (DOTr) ang Angkas na mag-operate at kasalukuyan itong nasa anim na buwang pilot run.
Kilala ang Angkas sa makukulay at “meme-worthy” nilang mga tweets, na ang layunin ay isulong at iendorso ang kanilang serbisyo, na madalas namang kinagigiliwan ng mga commuters.
188