‘CONGRESSMAN’ , 2 PA TIMBOG SA EXTORTION

rep55

(NI JG TUMBADO)

ARESTADO ang lalaking nagpakilalang “congressman” mula sa Camarines Sur at dalawang iba pa dahil umano sa pangingikil sa ilang mga kongresista at senador at maging kay Cavite Vice Governor Jolo Revilla.

Nakilala ang mga suspek na sina Dennis Jose Borbon, Edgar Paulo Bularan at Meynard Greg Basa.

Sa press briefing ni PNP Chief General Oscar Albayalde, sinabi nito na dinakip sa magkakahiwalay na entrapment operation ang tatlo.

Ayon kay Albayalde, tinawagan umano ni Borbon si Revilla sa kanyang cellphone kasabay ng pagpapakilala nito na siya ay si Camarines Sur Representative Arnulf Bryan Fuentabella.

Batay sa naisumiteng report, sinabi ng suspek na si Borbon kay Revilla na nawala umano ang kanyang wallet sa isang private trip patungong Coron, Palawan at nanghihingi ng P25,000.

At dahil sa pagdududa ay personal namang tinawagan ni Revilla si Rep. Fuentabella at dito lamang nalaman na hindi ito tumawag sa kanya.

Agad isinumbong ni Revilla ang insidente sa PNP-Anti-Cybercrime Group para matukoy at masakote si Borbon.

Isinagawa ang entrapment operations ng PNP-ACG una kay Basa pasado alas 7 ng gabi ng Martes matapos tanggapin nito ang P10,000 galing kay Revilla sa pamamagitan ng local remittance center sa Camarines Sur.

Habang sina Borbon at Bularan ay natimbog naman dakong alas 12:55 ng tanghali nitong araw ng Miyerkoles habang kinokolekta ang P15,000 mula sa Automated Teller Machine o ATM sa Malabon City.

Nabatid naman sa totoong Fuentabella sa magkasamang pulong balitaan sa Camp Crame, nasa walong kongresista at walong senador ang naghayag din na sila ay biktima rin ng mga suspek sa pangingikil.

Paglabag sa computer-related identity theft sa ilalim ng RA 10175 o mas kilala sa Cybercrime Prevention Act of 2012 at Estafa ang mga kasong kinakaharap ng tatlo na kasalukuyang nakapiit sa PNP-ACG detention facility sa Camp Crame.

207

Related posts

Leave a Comment