ANGKAS TUMIKLOP SA ‘PAMBU-BULLY’

George Royeca-2

TILA ‘maamong tupa’ ang isa sa mga opisyal ng Angkas motorcycle taxi service nang humarap sa media upang humingi ng tawad sa Department of Transportation – Technical Working Group (DOTr – TWG).

Sa ngalan ng Angkas, ganito ang pahayag ni George Royeca, Angkas chief transport advocate, : “I am sorry for the reported defiance or bullying, we were just too passionate. We need to settle our differences. A company like Angkas cannot bully the government.”

Ilang araw ang nakalipas, naglunsad ng kilos-protesta ang libu-libong riders ng Angkas kung saan ipinakita nito ang matinding pagtutol sa itinakda ng DOTr – TWG sa operasyon ng motorsiklong taksi sa panahon ng ekstensiyon ng pilot run test na aabot hanggang Marso matapos itong mapaso noong Disyembre ang anim na buwang pilot test sa Metro Manila at Cebu.

Inilatag ng DOTr – TWG na hanggang 10,000 lamang ang maksimum na riders ng kumpanyang gustong pasukin ang ride-hailing business.

Ang layunin ng DOTr – TWG ay upang papasukin ang ibang kumpanya nang sa gayon ay hindi monopolyo ng Angkas ang serbisyong motorsiklong taksi.

Ang desisyon ng DOTr – TWG na walang mopolyo ay nakasaad sa mismong charter ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB), tugon ni Wilson Fortaleza, tagapagsalita ng Partido ng Manggagawa (PM) sa Saksi Ngayon kamakailan.

Hindi nagustuhan ng Angkas ang itinakda ng DOTr – TWG.

Kaya, bukod sa kilos-protesta ay inilabas ng Angkas sa media ang ‘pananakot’ laban sa DOTr – TWG, sa pamamagitan ng Lawyers for Commuter Safety and Protection (LCSP).

Magsasampa raw ng kasong korapsyon ang LCSP laban sa mga opisyal ng DOTr – TWG.

Hindi natakot ang DOTr – TWG at nagsabing handa itong harapin at komprontahin ang pinaniniwalang “maruming taktika” ng Angkas sa korte.

Hindi lang tumiklop ang Angkas, kundi sa epekto ay umamin si Royeca sa mga maling nagawa ng Angkas laban sa DOTr – TWG.

Idiniin ni Royeca sa parehong press conference na ipinatawag ng Angkas nitong Miyerkoles na tatanggalin na ng nasabing kumpanya ang “surge charge” na sinisingil nito sa kanilang pasahero.

Tatanggalin na rin ng Angkas ang operasyon nito sa Cagayan de Oro at General Santos City na parehong hindi sakop ng pilot test run na itinakda ng DOTr – TWG dahil sa Metro Manila at Cebu lamang ito pinaiiral.

Umamin din si Royeca na sa 27,000 (kumbinasyon ng full timers at part timers), umaabot lamang sa 3,000 hanggang 5,000 ang pumapasadang riders ng Angkas.

Samantala, itinanggi rin ni Royeca na pag-aari ng dayuhang negosyanteng Singaporean ang Angkas.

Ang isyung pag-aari ng dayuhan ang Angkas ay inilabas ng Saksi Ngayon nitong Martes.

Isinawalat ng Saksi Ngayon ang nakarehistro sa Securities and Exchange Commission (SEC) na ang Angkas, o ang DBDOYC sa eksakto, ay 99.96 porsiyentong pag-aari ng negosyanteng Singaporean.

Ang Singaporean na si “Angeline Xiwen Tham” na mayroong P9.8 milyong halaga ng shares of stocks sa Angkas ay siyang pangulo ng DBDOYC, ayon sa SEC.

Ang DBDOYC ang sinasabing rehistradong “corporate name” o “business name ng Angkas.

Idiniin ng DOTr – TWG na tahasang paglabag ito sa Saligang – Batas na nagtakdang hanggang 40 porsiyento lamang ang pinakamalaking sapi ang papayagang ariin ng negosyanteng dayuhan sa kumpanyang Filipino na magnenegosyo sa bansa. (NELSON S. BADILLA)

179

Related posts

Leave a Comment