ANTI-VIOLENCE AGAINST WOMEN AND THEIR CHILDREN ACT, PINAAAMYENDAHAN

NAIS ni Senador Lito Lapid na amyendahan ang RA 9262 or Anti-Violence Against Women and their Children Act of 2004 upang palawakin ang sakop ng edad ng kabataan bilang proteksyon sa mga 18 anyos pataas na may disability, illness, condition o incapacity.

Ipinaliwanag ni Lapid na layon ng kanyang pag-amyenda na matiyak na makakamit ang tunay na layunin ng batas na bigyang proteksyon ang mga babae at kabataan.

Isa sa nais baguhin ng senador ay ang probisyon na sumasaklaw sa ‘Children’ o mga bata.

Sa kasalukuyang batas, idineklara bilang ‘children’ ang 18-anyos pababa subalit saklaw din ang 18-anyos pataas na walang kakayahang pangalagaan ang kanilang sarili.

Sinabi ni Lapid na ang mga katagang “incapable of taking care of themselves” ay kadalasang naabuso at nagagamit pa laban sa biktima.

Binigyang-diin ng senador ang Supreme Court decision sa kasong ‘People vs Abello’ noong March 25, 2009.

Sa naturang kaso, ang 21-anyos na polio victim ay hindi tinanggap sa kategorya ng bata dahil sa kabiguan ng prosekusyon na magsumite ng medical evaluation mula sa qualified physician o psychiatrist na magpapatunay ng kawalan ng kakayahan ng biktima na pangalagaan ang kanyang sarili.

Ibinatay ng korte ang desisyon sa Implementing Rules and Regulations ng RA 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.

“Higit 15 taon matapos maipasa ang RA 9262 at hanggang ngayon nananatili itong matibay na batas na nagbibigay hustisya sa mga kababaihan at kabataang biktima ng pang-aabuso at pangmamaltrato. Gayunman, sa tagal na rin na ipinatutupad ang batas na ito, nakakakita tayo ng mga bahagi nitong dapat na amyendahan para lalo pa itong mapalakas,” paliwanag ni Lapid.

“Ang isang indibidwal na edad 18 pataas at kitang-kita namang may dinaramdam na sakit ay hindi na dapat hingian pa ng medical evaluation para lang pumasok sa kategoryang sakop ng batas. Tila ba kasi nauulit lamang ang pang-aabuso sa biktima, at maiiwasan sana ito kung ma-aamyendahan ang partikular na bahagi ng batas na aking nabanggit,” dagdag pa ng senador.

Upang burahin ang mga agam-agam sa batas, target ng panukala ni Lapid na linawin ang depenisyon ng mga kabataang hindi kayang pangalagaan ang sarili.

Nais idetalye ni Lapid sa batas na saklaw nito ang mga may Autism, Down syndrome, Congenital birth defects, Polio, Intellectual disabilities, Deafness , Blindness at iba pang visual impairment, Deaf-blindness, Learning disabilities, Speech o language impairment, Orthopedic impairment at Cerebral palsy.

“Mula noon hanggang ngayon, hangad kong mapagtibay ang mga batas na nagbibigay ng proteksyon sa mga bata at kababaihan gaya ng ating mga ina, asawa, anak, kapatid at kaibigan.

Isinusulong ko rin ang proteksyon at hustisya sa mga naging biktima ng pang-aabuso, higit lalo pa sa mga may kapansanan. Makamit sana ng lahat ng biktima ng pang-aabuso at pangmamaltrato ang hustisya sa pamamagitan ng RA 9262 at huwag sana nating hayaan na may maiwan sa labang ito dahil lamang sa iilang probisyon na hindi gaano klaro ang depinisyon,” diin pa ni Lapid. (DANG SAMSON-GARCIA)

84

Related posts

Leave a Comment