(NI KEVIN COLLANTES)
UMAPELA sa pamahalaan ang isang grupo ng mga guro na huwag silang kalimutan sa isinasagawang paghahanda para sa nalalapit na pasukan sa Lunes, Hunyo 3.
Ayon kay Teachers’ Dignity Coalition (TDC) Chairperson Benjo Basas, mahalaga ang paghahanda sa mga silid-aralan at iba pang pasilidad sa eskwelahan, subalit kinakailangang alalahanin na isa rin sa pinakamahalagang dapat ihanda at suportahan ay ang mga guro na nagtuturo sa mga bata.
Sinabi ni Basas na karapatan ng mga guro na makakuha ng maayos na benepisyo at sapat na sweldo dahil sa hirap ng kanilang trabaho.
Iginiit pa niya na napapanahon na ang pagtataas ng sahod ng mga guro at ang pagkakaloob ng iba pang benepisyo gayundin ang pagsasaayos sa GSIS at implementasyon ng Magna Carta for Teachers.
“While the DepEd is preparing for everything from classrooms, facilities and school security, it seems to forget the single most important factor in the learning process- our teachers. The welfare concerns of the teachers should be addressed as well- by advocating for immediate salary increase, fixing the GSIS mess and ordering the implementation of the Magna Carta for Teachers,” aniya, sa panayam sa radyo.
Inaasahang aabot sa 27.8 milyong mga mag-aaral ang papasok sa eskwela sa Lunes, kaya’t puspusan na ang paghahanda ng Department of Education (DepEd) para matiyak na magiging maayos ang pagbubukas ng klase.
164