NANAWAGAN ang isang mambabatas sa mababang kapulungan ng Kongreso na bigyan ng pagkakataon ang gobyerno na ipatupad ang immunization program at pagalingin ang bansa sa kasalukuyang pandemya.
Ayon kay House Committee on Health chairman Angelina Helen Tan, makabubuting ituon ngayon ang atensyon ng publiko sa kabutihang maidudulot ng bakuna kontra COVID-19 sa halip na sa kasiraan at pagpapakalat ng mga maling impormasyon.
Kasabay nito, nilinaw ng mambabatas na hindi siya binakunahan noong Marso 2 sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) dahil binigyan siya ng espesyal na pagtrato.
Paglilinaw ni Tan, binakunahan siya gamit ang alokasyon ng bakuna na nakalaan sa panganay niyang anak na nagtatrabaho bilang doktor sa VMMC.
Bahagi aniya ng programa sa pagbabakuna ng VMMC na bigyan ang tatlo (3) na kapamilya ng mga empleyado nito na nais magpabakuna.
Ito ay isinumite at aprubado umano ng National Vaccination Committee ayon sa direktor ng VMMC na si Dr. Dominador Chiong, Jr.
Inihayag din ng mambabatas na hindi siya nagpabakuna para mauna kundi upang makahikayat lalo na sa mga may pag-aalinlangan pa sa bisa ng bakuna.
Tiniyak naman nito na haharap siya sakaling magkaroon ng imbestigasyon ang nararapat na ahensya ng gobyerno ukol sa usapin upang bigyang tugon ang mga duda at masasamang-isip ng ilan, higit sa lahat, ay malaman ng publiko ang katotohahan kasama na rin ang ilang mga kontrobersya ukol sa pagbabakuna sa bansa.
Bilang isang mambabatas, at isa ring doktor, bahagi aniya ng kanyang trabaho sa gitna ng pandemya ay ang mag-ikot at magbigay ng libreng consultations sa mga may sakit.
117