KINUWESTYON ng isang mambabatas ang report ng Department of Agriculture (DA) na gumastos na umano ang mga ito ng P432 Million sa 4,751 magsasaka at mangingisda na binigyan ng ayuda sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Bayan Muna party-list Rep. Eufemia Cullamat, hindi tugma ang dami ng nabigyan ng tulong sa ilalim ng Expanded SURE Aid and Recovery Project sa pondong ginastos ng ahensya.
Sinabi ng Katutubong mambabatas na base sa nasabing programa, P25,000 lang ang ibibigay na ayuda sa mga magsasaka subalit gumastos na umano ang ahensya ng P432 Million.
“Bakit sobra ang nagamit na pondo kumpara sa napakaliit pang bilang ng naseserbisyuhan?” ani Cullamat dahil kung susumahin umano ay P90,000 ang dapat ibinigay sa mga natulungang magsasaka at hindi P25,000.
Kung nasunod aniya ang programa, dapat 17,280 magsasaka at mangingisda ang natulungan at hindi 4,751 na nakasaad umano sa 18th Report ng gobyerno sa Kongreso hinggil sa implementasyon ng Bayanihan to Heal As One Law.
“Nananawagan kami ng transparency mula sa DA. Dapat maipaliwanag ito ng DA at masigurong napupunta sa magsasaka ang buong pondo ng programa,” ayon pa sa mambabatas.
Dismayado rin ang mambabatas dahil sa nakaraang walong linggo ay 4,751 magsasaka pa lamang ang nabibigyan ng ayuda ng DA gayung 40,000 ang target nilang matulungan habang nasa gitna ng pandemya ang bansa.
“Ano ang mangyayari sa mahigit 80% o 35,000 magsasaka na hindi pa naseserbisyuhan ng programa?” tanong pa ni Cullamat gayung hawak na umano ng DA ang P1 Billion na pondo para bigyan ng ayuda ang nasabing sektor na apektado rin sa pandemya. BERNARD TAGUINOD
