AYUDA SA MGA BIKTIMA NG OIL SPILL IKAKASA

NAKAHANDA ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na magbigay ng cash-for-work assistance sa mga residenteng apektado ng oil spill dahil sa lumubog na motor tanker MT Princess Empress sa bayan ng Naujan sa lalawigan ng Oriental Mindoro noong Pebrero 28, 2023.

Sinabi ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na nakipag-ugnayan na ang departamento sa local government units (LGUs) at Department of Environment and Natural Resources (DENR), pinuno ng inter-agency task force para sa programang ito.

Ani Gatchalian, ang mga lugar na bibigyan ng pansamantalang paraan ng hanapbuhay ay ang mga bayan ng Bansud, Bongabong, Bulalacao, Gloria, Naujan, Pinamalayan, Pola at Roxas sa Oriental Mindoro; Caluya sa Antique; at Agutaya sa Palawan.

Sa kabilang dako, sinabi ng Kalihim na bukod sa Oriental Mindoro, nakatanggap din siya ng ulat na kumakalat na ang oil spill sa lalawigan ng Antique at Palawan at ang mga residente sa mga nasabing lugar ay mangangailangan ng tulong mula sa gobyerno.

“So, these two areas (Antique and Palawan), we are now working hard on making sure na may makakain iyong mga nakatira doon, whether its food packs or emergency cash transfers,” ani Gatchalian.

Bukod naman sa cash-for-work, plano rin ni Gatchalian na magpatupad ng panibagong programa sa uri ng Emergency Cash Transfer (ECT) program para sa mga apektadong residente.

“Naging agreement namin ng DENR at noong local government nila, ng provincial government, at instruction din ng ating Pangulo is to make sure na yung mga locals natin mga fisherfolk na affected ay maging bahagi ng solusyon,” ayon kay Gatchalian.

Sa kasalukuyan, nakapagbigay na ang DSWD ng P3.1 milyong halaga ng food assistance sa mga apektadong lokalidad sa Oriental Mindoro at Antique.

Patuloy namang makikipag-ugnayan ang DSWD sa mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan at lokalidad upang matiyak na maayos na maibibigay ang mga pangangailangan ng mga residenteng apektado ng oil spill. (CHRISTIAN DALE)

342

Related posts

Leave a Comment