BACKRIDE MAAARI NA MULING PAYAGAN

POSIBLENG payagan na rin ng gobyerno ang backriding sa motorsiklo sa oras na maayos ng mga kinauukulang ahensiya ang safety protocols na naglalayong bawasan ang posibilidad ng paghawa ng COVID-19 sa nasabing mode of transportation.

“Ang DOTr (Department of Transportation), kasama ang DOST (Department of Science and Technology), DOH (Department of Health), MMDA (Metropolitan Manila Development Authority), at DTI (Department of Trade and Industry) ay inatasan na magpulong at alamin ang pinakaligtas at epektibong paraan para mabawasan ang transmission sa back riding sa mga motorsiklo,” ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque sa Laging Handa public briefing.

“So malapit na po ang backriding pero kinakailangan na ang NTF (National Task Force) ang mag-issue ng mga guidelines,” aniya pa rin.

Sinabi pa ni Sec. Roque na ang nasabing practice ay “allowed in principle” sa pag-apruba ng requirements ng Technical Working Group.

“Antay-antay na lang po muna at baka puwede na mapayagan ang backriding,” aniya pa rin.

Nauna rito, pinanindigan ng pamahalaan ang pagbabawal sa backriding sa motorsiklo sa gitna ng quarantine measures upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.

Sinabi pa ni Sec. Roque na pinag-aaralan ng DOH ang panukala ng ride-hailing firm Angkas na pagsusuot ng “special suit” o divider sa pagitan ng rider at passenger upang masiguro ang distancing sa motorcycle taxis. CHRISTIAN DALE

77

Related posts

Leave a Comment