NASA Storm Signal No. 3 na ang buong lalawigan ng Samar, Albay, Ticao Island at Sorsogon kasunod ng pagtama sa kalupaan ng bagyong ngayong tanghali sa San Policarpio, Eastern Samar.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), malakas na hangin at malalakas na pag-ulan ang hatid ng bagyong Ambo kaya ibayong pag-iingat ang inaabiso nito sa mga residente ng mga lugar na daraanan ng bagyo.
Ang mga lugar na nasa Storm Signal No. 3 ay makaranas ng malakas na hangin na aabot sa 121 hanggang 170 km/h.
Nasa Signal No. 2 naman ang southern portion ng Quezon, Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes, Burias Island, mainland Masbate, Marinduque at Biliran.
Habang Signal No. 1 sa Aurora, southern part ng Nueva Ecija, Bulacan, Metro Manila, Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Romblon, Bataan, Pampanga, at northern Leyte.
Huling namataan ang mata ng bagyo 140 km east-southeast ng Catarman, Northern Samar, taglay nito ang lakas ng hangin na 150kph, bugso na 190kph at kumikilos sa bilis na 15kph.
Ayon kay PAGASA Administrator Vicente Malano, nakararanas na ng malakas at tuloy-tuloy na pag-uulan sa Northern Samar, Eastern Samar, Masbate, Sorsogon at Catanduanes habang sa Biyernes naman inaasahang babayuhin ng malalakas na pag-ulan ang Albay, Camarines Norte, Camarines Sur at Catanduanes.
Binabalaan ng PAGASA ang mga residente na maging alerto sa storm surge, pagbaha at landslides.
Sinabi ni Weather specialist Ariel Rojas na nagpalabas na sila ng advisory na umiwas sa coastal areas sa loob ng susunod na 24-oras dahil sa storm surge na maaaring umabot sa 4 meters partikular sa coastal areas ng Northern Samar, eastern coast of Eastern Samar, western seaboard ng Samar, Sorsogon, Albay, Catanduanes, Camarines Sur, Camarines Norte, Quezon at Aurora.
Ipinagbabawal din ang pagbiyahe ng anomang uri ng sasakyang pandagat.
Samantala, sinabi ni PAGASA Hydrologist Richard Orendain na nagpalabas na rin sila ng general flood advisory sa Eastern Visayas at Bicol dahil sa inaasahang pag-apaw ng mga ilog na maaaring magdulot ng pagbaha sa low-lying communities.
Sakop din ng general flood advisory ang Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon), Central Luzon at Cagayan Valley.
“Violent winds and heavy to torrential rains in the typhoon’s eyewall may begin affecting Northern Samar and the northern portions of Samar and Eastern Samar in the next 12 hours,” ayon kay Orendain.
Ayon sa PAGASA, kung pagbabatayan ang direksyon ng bagyo ay hindi ito direktang dadaan sa Metro Manila, gayunpaman ang outer circulation ng bagyo ay maghahatid ng pag-ulan sa Metro Manila bukas hanggang sa Sabado.
Pagsapit ng Linggo ay inaasahang hihina ang bagyong Ambo at tuluyang lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Lunes. ABBY MENDOZA
312