BALIK P8 NA PASAHE AYAW NG TRANSPORT GROUP

Tutol ang isang transport group na ibalik sa 8 piso ang minimum na pamasahe kahit pa patuloy ang pagbaba ng presyo ng petrolyo.

Ayon kay Pasang Masda president Roberto “Obet” Martin, tutol pa rin silang ibalik sa P8 ang minimum na pasahe sa mga jeep hangga’t hindi bumababa sa P38 ang presyo ng diesel sa Kamaynilaan.

Maaalalang ilang kumpanya ng langis ang nagpahayag ng panibagong tapyas sa presyo ng petrolyo na mula P0.80 hanggang P1.30.

Ito ang ikaanim na sunod na linggong nagkaroon ng bawas-presyo.

Sa Metro Manila, nasa P43 hanggang P44 ang kada litro ng diesel pero sa ilang lugar sa Bulacan ay nasa P39 na lang ito.

Hanggang ngayon ay nakabinbin pa rin sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang petisyong inihain ng isang consumer group para ibalik sa P8 ang minimum na pasahe dahil sa patuloy na pagbaba ng presyo ng petrolyo.

Noong nakaraang buwan ay inaprubahan ng LTFRB ang hiling na taas-pasahe ng mga transport group, na nag-akyat sa minimum na pasahe sa mga jeep sa P10 at  naging epektibo noong Nobyembre 2.

Samantala, nitong nakaraang Lunes ay nag-anunsiyo ang iba pang kompanya ng langis ng bawas sa presyo ng kanilang mga produkto.

Magpapatupad ang TOTAL at Petron ng P1.10 bawas sa kada litro ng diesel at P1.25 bawas sa kada litro ng gasolina simula Martes, 6:00 ng umaga.

6

Related posts

Leave a Comment