(CHRISTIAN DALE)
MAAARING maging opsyonal na lamang ang pagsusuot ng face mask kapag maituturing na ligtas na para gawin ito.
Nangako rin si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi na siya magpapatupad ng mahigpit at malawakang lockdowns.
Sa naging talumpati ni Pangulong Marcos, sinabi nito ang kahalagahan na paigtingin at itaas ang ‘booster uptake’ ng bansa lalo na sa mga kabataan.
Plano ng kanyang administrasyon na payagan ang pagpapatuloy ng “in-person classes” ngayong taon.
“So let us return to the idea of what we did last year na magkaroon ulit ng vaccine rollout. Gawin na natin ito para makatiyak na tayo. At pagka naging matagumpay ang ating booster rollout ay makikita naman natin siguro pwede na nating ibaba ang mga alert level, puwede na nating gawing optional ang mask,” ayon kay Marcos.
“Pero hindi po natin gagawin ‘yan hanggang maliwanag na maliwanag na safe na talaga. Dahil although so far maganda naman ang takbo, hindi naman napupuno ang mga ospital. Ngunit kung hindi tayo maingat, mapupunta na naman tayo doon,” dagdag na pahayag nito.
Ang mataas na rate ng COVID-19 vaccination, ani Pangulong Marcos ay makatutulong na muling buksan ang ekonomiya ng bansa at tugunan ang problema ng pandemya.
“‘Yung booster will be the one that will be the answer for us na makabalik na tuloy-tuloy makabalik na sa opening of our society, opening of our economy, opening of our businesses. Iyon naman talaga naman ang habol nating lahat,” anito.
136