BBM wala pa ring solusyon PROBLEMA SA DA DINAAN SA WISH

WALA pa ring angkop na solusyon ang pamahalaan sa mga problema sa agrikultura, mahigit isang taon sa pamumuno ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Department of Agriculture (DA).

Ito ang lumilitaw matapos mistulang idaan na lamang ni Marcos Jr. sa wish ang mga kinakaharap na problema ng ahensya.

“Maging maayos na ang agrikultura,” ang wish ni Marcos Jr. sa pagdiriwang ng kanyang ika- 66 kaarawan nitong Miyerkoles, Setyembre 13.

Aniya pa, wish din niya na madetermina ng gobyerno kung ang bansa ay makararanas ng wet o dry season para malaman ang tulong na maaaring ibigay nito sa mga apektadong magsasaka.

“At malaman na natin kung ano ba talaga ang weather, wet season ba o dry season para naman matulungan natin yung mga farmer natin,” aniya pa rin.

“Yun lamang naman ang aking panalangin pa rin hanggang ngayon,” dagdag na wika ng Punong Ehekutibo.

Kaugnay nito, may birthday wish din ang mga magsasaka kay Marcos Jr. at ito ay ang pag-alis niya bilang Kalihim ng DA.

Ayon kay Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) chairman emeritus Rafael Mariano, kailangan na ng full-time secretary sa DA dahil hindi seryoso si Marcos sa kanyang trabaho.

“Sa ika-66 na kaarawan ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. ngayong araw, sinabi ng mga magsasaka na ang wish o nais nila para sa Pangulo ay umalis na sa DA at magtalaga ng isang full-time na agriculture secretary,” ani Mariano.

“Lampas isang taon na siya sa DA at nakita natin ang masamang resulta. Hindi naayos kundi lalo pang lumala ang sitwasyon ng agrikultura. Hindi bumaba sa bente ang kada kilo ng bigas, umabot pa sa P50 hanggang P60,” dagdag pa nito.

Wala rin aniyang ayuda sa mga magsasaka at mangingisda at patuloy ang labis-labis na importasyon kaya umaasa ang mga ito na makikinig ang Pangulo sa panawagan ng mga ito na bumaba na siya bilang kalihim ng DA.

“Walang pag-asa ang agrikultura kay Marcos Jr. lalo lang malulubog sa mga problema at krisis ang mga magsasaka at lalong magugutom ang mamamayan sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon na hindi nagbibigay ng makabuluhang solusyon sa agrikultura,” ayon pa kay Mariano.

Base aniya sa datos mismo ng gobyerno, nananatiling pinakamababa ang ambag ng sektor ng agrikultura sa GDP ng bansa at lumiit din ang agricultural output mula Abril hanggang Hunyo ng taon dahil sa pagliit ng fisheries production habang bumagsak naman sa 1.3% ang produksyon sa agrikultura kumpara sa 0.3% sa kaparehong panahon noong 2022.

(CHRISTIAN DALE/BERNARD TAGUINOD)

214

Related posts

Leave a Comment