BI chief pumalag sa reklamo INDIANS PALABAN VS ‘KOTONG’ NG BI

HINDI umatras ang grupo ng mga Indian national sa paghahain ng reklamo laban sa mga tiwali umanong tauhan ng Bureau of Immigration (BI) na nangotong sa kanila.

Kamakalawa, nagtungo sa Pasay Prosecutors Office ang mahigit 20 miyembro ng Indian community mula sa Iloilo at Antique para magsampa ng reklamo laban sa ilang opisyal ng BI.

Ayon kay Atty. Boy Magpantay, kasong kidnapping at extortion ang isinampa ng mga Indian laban sa 13 Immigration officers.

Kabilang umano sa mga inireklamo sina Immigration Officer II Jude Hinolan, Immigration Assistant Maristela Gandamra, at iba pang Immigration officer at confidential agents.

Kaugnay nito, pumalag si Immigration Commissioner Norman Tansingco sa naturang reklamo.

Aniya, lehitimo ang operasyon at pag-aresto ng mga intelligence officer sa 16 dayuhan sa Antique at Iloilo dahil sa ilegal na operasyon ng 5-6, kidnapping at drug trafficking.

Tinagurian din niyang ‘untouchables’ ang mga Indian na nagsasagawa ng negosyong 5-6 na tinawag na mafia.

Iginiit din nito na kahit may hawak na visa ang mga dayuhan na nagtrabaho sa naipetisyong kumpanya, maituturing pa rin itong hindi kanais-nais at maaaring mapalayas ng bansa at isama sa blacklist.

Sa kabila nito, magpapatuloy aniya ang hiwalay na imbestigasyon sa mga alegasyon ng pangingikil laban sa mga operatiba ng BI.

55

Related posts

Leave a Comment