MGA BAYANI PINAGTATAKSILAN NI MARCOS JR?

ITINUTURING ng isang mambabatas sa Kamara na pagtataksil sa mga bayani na magiting na ipinaglaban ang kasarinlan ng Pilipinas ang ginagawa ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na inaasa sa ibang bansa ang pagtatanggol sa Pilipinas.

Pahayag ito ni ACT party-list Rep. France Castro kasabay ng ika-82 taong anibersaryo ng Araw ng Kagitingan.

“Mahirap magkaroon ng mga pinuno na inuuna ang interes ng dayuhan o iilan at nagbibingi-bingihan sa daing ng taongbayan. Malaking pagtataksil ito sa ipinaglaban ng ating mga bayani noong nakaraan at pagbebenta sa ating kalayaan,” ayon sa mambabatas.

Sinabi ng mambabatas na dugo ang puhunan ng mga Bayani para makamit ang kalayaan ng bansa subalit nababalewala ito dahil mas inuuna ng gobyernong Marcos ang interes ng mga dayuhan.

Kung nais aniya ng Pangulo na ikintal sa isip at puso ng mga kabataan at lahat ng mamamayan ang pagiging Makabayan, “Ito ay maipapakita sa pamamagitan ng pagpupunyagi na makatayo sa sariling mga paa ang Pilipinas na di nakasalalay sa mga imperyalistang bansa na ang interes lang naman nila ang iniisip tulad ng US at Tsina”.

(BERNARD TAGUINOD)

44

Related posts

Leave a Comment