‘BIKOY’ BABALIK SA CAMP CRAME; EBIDENSIYA BIBITBITIN

bikoy21

(NI NICK ECHEVARRIA/PHOTO BY CJ CASTILLO)

NANINIWALA si Philippine National Police (PNP) Chief General Oscar Albayalde na muling babalik sa Camp Crame si Peter Joemel Advincula, alyas “Bikoy”, ang nasa likod ng mga serye ng video na tinaguriang “Ang Totoong Narcolist”.

Nangako umano si Advincula sa CIDG na babalik para magbigay ng extra judicial confession kaugnay sa kanyang mga alegasyon laban kay Senator Antonio Trillanes IV at sa iba pang miyembro ng Liberal Party na nasa likod ng planong pagpapatalsik sa Pangulong Rodrigo Duterte.

Si Advincula ay lumabas ng PNP Headquarters kasama ang kanyang kapatid noong Sabado ng hapon ng walang hininging security makaraang makapag-piyansa sa anim na kasong estafa na kinakaharap nito.

Ayon kay Albayalde babalik si alyas Bikoy kasama ang kanyang legal counsel at sworn statement at mga ebidensya para bigyang sustansya ang kanyang mga alegasyon.

Inaalam na rin ng PNP kung totoong may banta sa buhay at sa pamilya ni Advincula sa Donsol, Sorsogon kasunod ang pahayag na inihanda na ng isang team ng mga imbestigador ang case folder na kinapapalooban ng  mga bintang ni Advincula.

Matatandaan na noong Huwebes sa isang press briefing binaligtad ni Advincula ang kanyang mga dating akusasyon sa pamilya ng Pangulong Duterte at sa ilang kaalyado nito kaugnay sa pagkakasangkot sa iligal na droga na umanoy pawang scripted lamang sa utos umano ni Trillanes kaugnay sa Project Sodoma.

 

384

Related posts

Leave a Comment