(NI BERNARD TAGUINOD)
IPINAKO-CONVERT ng mambabatas sa Mababang Kapululungan ng Kongreso sa “bahay ni kuya” ang National Bilibid Prison (BNP) sa pamamagitan ng pagtadtad ng CCTV at i-broadcast ito sa social media.
Ginawa ni Rep. Rowena Nina Taduran ang nasabing mungkahi bilang alternatibo at mabilis na paraan kumpara sa “artificial intelligence monitoring system” na ideya ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong upang mamonitor at mawala na ang katiwalian sa Bilibid.
Ayon kay Taduran ng ACT-CIS party-list, nais nito na tadtarin ng CCTV ang buong bilibid maliban kung saan natutulog at naliligo ang mga inmates upang mamonitor ang bawat galaw ng mga ito.
Nais ng mambabatas na i-feed ng Bureau of Correction (Bucor) ang kuha ng CCTV lalo na sa entrance at common areas sa social media upang maging ang publiko ay nakikita ang mga nangyayari sa bilibid.
“If the CCTV feed at the entrances and common areas were broadcast live over the internet, someone is bound to notice if they are smuggling in girls or large screen TVs, or putting up new ‘kubols’ and report it to the authorities, or simply post a video-grab on social media,”
ani Taduran.
Naniniwala ang mambabatas na agad na irereport ang netizens ang mga nakikita nilang hindi maganda at mga kahina-hinalang kilos ng mga preso at empleyado ng Bucor kung kasama ang mga ito sa magkakaroon ng access sa mga CCTV sa Bilibid sa pamamagitan ng social media.
“Kaya nagagawa lahat ng kalokohan diyan sa loob kasi walang nakakakita, hindi natin alam kung ano ang nangyayari sa loob,”
ayon pa sa lady solon.
Pero hindi pa rin binabawi ng mambabatas ang panukala na i-exile sa West Philippine Sea ang mga high profile inmates upang hindi na makapaghari ang mga ito sa loob ng kulungan at patuloy sa paggawa ng mga krimen tulad ng patuloy na operasyon ng mga ito sa ilegal na droga.
348