(Ni BERNARD TAGUINOD)
Bilyones din ang pork barrel na hiniling ng mga senador sa Department of Budget and Management (DBM), ayon sa mataas na opisyal ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Sabi ni House majority leader Rolando Andaya Jr., na tadtad rin ng mga proyekto ang mga senador, kaya bilyun-bilyon din ang kanilang pork barrel.
Aniya, si Senador Panfilo Lacson lang ang walang pork barrel.
Ibinunyag ito ni Andaya matapos na isiwalat ni Lacson na P1.9 bilyon ang kanyang pork barrel na nakasingit sa mungkahing P3.757 trilyon national budget ng administrasyong Duterte para sa susunod na taon.
Umabot naman sa P2.4 bilyon ang pork barrel ni Speaker Gloria Macapagal-Arroyo.
“Siguro, it would be fair na sabihin din nila kung ilan at saan nila nilagay ‘yung pondong nilagay nila sa budget. Ang sistema na ginawa nila bago iprinisenta ‘yung budget sa Congress,” pahayag ni Andaya.
Ayon sa mambabatas, lahat ng mga senador maliban kay Lacson ay mayroong pet projects tulad ng farm-to-market road, flood control at iba pa na kasama sa 2019 national budget na bilyones din ang halaga.
“Maybe, sila din [ay dapat] magpaliwanag din sa amin kung papano nailagay doon. Kasi, marunong din kaming tumingin sa budget,” ayon pa kay Andaya.
107