BODY CAMERA EPEKTIBO SA ANTI-DRUG OPERATIONS – PNP

(NI AMIHAN SABILLO)

NANINIWALA ang Philippine National Police (PNP) na mas maraming advantage ang pagkakaroon ng body cameras ng mga operatiba sa tuwing maglulunsad ng anti-illegal drug operations.

Ito paniniwala ni  PNP spokesperson PBGen. Bernard Banac matapos sabihin ni House Speaker Alan Peter Cayetano na tutol siya na kailangan sa lahat ng oras ang paggamit ng body cameras sa tuwing maglulunsad ng anti-illegal drug operations.

Paliwanag ni Banac, makatutulong ang body cameras upang mas lalo pang maging transparent ang kanilang mga ikakasang operasyon.

Maliban dito, sinabi rin ng opisyal na sa pamamagitan din ng gamit na ito ay maipapahayag ng mga otoridad sa publiko kung gaano ka-delikado ang pinagdaraanan ng operating team sa tuwing magkakasa ng operasyon.

Higit sa lahat ay makatutulong rin aniya ito upang maiwasan naman ang pagmamalabis mula sa kanilang hanay.

Pagsiguro pa nito na may nakahanda silang protocols sa kung ano ang mga dapat gawin at iwasan sa oras na magkaroon na sila ng body cameras sa bawat drug operations.

Matatandaan na sinabi ni Cayetano na kailangan munang mapag-aralan nang husto ang siyensya sa paggamit ng naturang kagamitan, at maisaalang-alang ang mga karanasan ng mga security agencies sa ibang bansa pagdating dito.

Una nang iginiit ni Leni Robredo na mas mapoprotektahan ang buhay ng mga operatiba mula sa mga kasong wala namang basehan sa pamamagitan ng paggamit ng body cameras.

407

Related posts

Leave a Comment