NAIS alamin ng Mababang Kapulungan ng Kongreso kung bakit nade-delay ang implementasyon sa pagpapagamit sa mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) ng bodycam sa kanilang operasyon.
Base sa House Resolution (HR) 1480 na ihinain ng Makabayan bloc sa Kamara, mistulang nagdududa ang mga ito na sadyang dine-delay dahil mahigit dalawang taon na umano ito subalit hindi pa nabibili ang mga bobycam.
“The continued delay in the implementation of body cameras that will be used by the police, is disservice to the people,” ayon sa resolusyon ng mga militanteng mambabatas mula sa nasabing grupo.
Noong 2018 ay binigyan P334 million ang PNP para bumili ng 12, 475 body camera subalit naudlot ito dahil sa umano’y pangingikil sa supplier kaya’t tatlong police major ang tinanggal sa puwesto at sinampahan ng administrative and criminal charges.
Sa pinakahuling report anila hinggil sa nasabing body camera, sinabi ni General Camilo Cascolan noong Oktubre 1, 2020, sa Oktubre 31, 2020 ay sisimulan na ang pagpapagamit ng bodycam sa police field units.
“On December 22, 2020, PNP Spokesman Brig. General Ildebrandi Usana said during a virtual briefing that the procurement of body cameras for police personnel was still in process,” ayon pa sa resolusyon.
Dahil dito, nagdududa ang Makabayan bloc solon kung talagang nais ng PNP na lagyan ng body camera ang mga pulis sa kanilang operasyon dahil may pondo na ang mga ito subalit nade-delay ang pagbili ng nabanggit na kagamitan.
Sinabi ng nasabing grupo na napakahalaga ang body camera sa police operations dahil dito mapatutunayan kung inaabuso ng mga pulis ang kanilang kapangyarihan o hindi sa kanilang mga operasyon.
Mas kailangang aniya ang body camera dahil laging sinasabi ng mga pulis na nanlaban ang target sa kanilang operasyon kaya napapatay ang mga ito tulad ng kaso ng siyam na katutubong Tumandok sa anti-insurgency operation ng PNP at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Tanay, Rizal noong Disyembre 30, 2020. (BERNARD TAGUINOD)
