BPO MAG-AALSA BALUTAN SA KANSELASYON NG WFH

HINDI dapat humantong sa tuluyang pag-iimpake ng mga negosyante sa likod ng mga Business Process Outsourcing (BPO) firms ang mga mekanismong kalakip ng economic policies ng pamahalaan lalo pa’t higit na kailangan ng bansa ang mga industriyang makakatuwang sa pagbangon ng ekonomiya.

Giit ni majority leader Rep. Nina Taduran, isantabi muna ang planong pwersahang pagpapatupad ng “balik-opisina” sa hanay ng BPO industry upang maiwasan ang nagbabadyang paglisan ng investors sa likod ng outsourcing companies, partikular yaong mga nasa loob ng mga special economic zones.

Una nang iginiit ng Department of Finance at Fiscal Incentives Review Board (FIRB) ang pagbabalik ng in-person work set-up sa hanay ng mga BPO employees kabilang ang mga call center agents mula Abril 1 sa hangaring pasiglahin ang ekonomiya ng bansa. Banta pa ng DOF, posibleng kanselahin ng pamahalaan ang mga tax incentives sa mga susuway na BPO firms sa loob ng mga special economic zones.

“The government must not insist on the pre-pandemic terms. If BPOs are forced to do this, we run the risk of losing these investors to our neighboring countries,” ani Taduran.

Dagdag pa niya, bagama’t ang mga BPO sa mga economic zone ay nasasakop ng Republic Act 7916 (Special Economic Zone Act of 1995) na nagbibigay insentibo sa mga rehistradong kumpanya sa kondisyong sa loob ng ecozone ang kanilang operasyon, kailangan pa rin ang masusing pag-aaral sa magiging epekto ng pwersahang pagpapatupad ng kanselasyon ng WFH arrangement sa kanilang mga empleyado.

Paniwala ng kongresista, hindi dapat tanggalan ng tax incentives ang BPO industry kesehodang in-person o WFH set-up ang operasyon.

“Furthermore, we have a Telecommuting law, which is effective for the entire country, and that includes the special economic zones,” hirit pa ni Taduran, sabay tukoy sa Republic Act 11165 (Telecommuting Act).

Sa ilalim ng RA 11165, pinapayagan ang pagtatrabaho sa isang alternatibong lugar sa pamamagitan ng telecommunication o computer.

“In addition, with the skyrocketing prices of petroleum products, which translate to increases in fare, basic commodities, etcetera, it is actually more practical to maintain the work from home scheme.” (BERNARD TAGUINOD)

189

Related posts

Leave a Comment